MISAMIS ORIENTAL – Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit P2.27 million halaga ng narra lumber at isang wing van sa anti-illegal logging operation sa Gingoog City mula May 16 hanggang 17.
Arestado rin sa operasyon ang isang suspect matapos mahuli ang umano’y illegal transport ng forest products.
Ayon sa PNP, kumilos ang mga operatiba matapos makatanggap ng impormasyon mula sa concerned citizen tungkol sa umano’y illegal cutting ng hardwood trees sa lugar.
Isinagawa ang operasyon ng mga yunit mula Criminal Investigation and Detection Group, intelligence at special operations units, at local police units, katuwang ang Community Environment and Natural Resources Office ng Gingoog City.
Sa operasyon, naharang ng mga awtoridad ang isang wing van na may kargang narra lumber at flitches na walang kaukulang dokumento.
Nakumpiska sa raid ang 208 piraso ng mixed-dimension narra lumber at flitches na katumbas ng 7,122 board feet at nagkakahalaga ng P1,068,300.00.
Nasamsam din ang wing van na tinatayang nagkakahalaga ng P1,200,000.00.
Umabot sa P2,268,300.00 ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang item.
Dinala ang suspect at lahat ng ebidensya sa Gingoog City Police Station para sa documentation at pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines.
“Illegal logging is a serious offense that destroys our environment and endangers future generations. We will continue to enforce the law and ensure accountability for all violators,” ani PNP Chief PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr.
“Ang pagprotekta sa kalikasan ay hindi lamang tungkulin ng iilan. Sa sama-samang pagkilos, mas napapalakas natin ang laban kontra illegal logging,” dagdag niya. /Bistado


