Dalawang katao ang inaresto matapos makumpiska ang mahigit P2.2 milyong halaga ng umano’y unregistered cooking oil at soy sauce sa Sogod, Southern Leyte.
Isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Southern Leyte Provincial Field Unit at Food and Drug Administration (FDA) Regional Field Office 8 ang operasyon sa Barangay Zone V, Poblacion noong Lunes, August 3.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), isang lalaki at isang babae na kapwa nasa hustong gulang ang dinakip dahil sa umano’y pagbebenta at pamamahagi ng mga produktong walang kinakailangang FDA registration at authorization.
Nasamsam sa operasyon ang palm o refined cooking oil at soy sauce na may kabuuang halagang P2,244,720.
Nagsagawa ng operasyon ang mga awtoridad dahil sa hinihinalang paglabag sa Republic Act No. 3720 o Food, Drug, and Cosmetic Act, as amended, at Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9711, ipinagbabawal ang pagbebenta, pamamahagi o paglilipat ng food products na walang kinakailangang registration at authorization mula sa FDA.
Dahil hindi umano dumaan sa evaluation process ng ahensiya ang mga nakumpiskang produkto, hindi matitiyak kung ligtas ang mga ito at kung sumusunod sa umiiral na food safety standards.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pinagmulan at distribusyon ng mga nasamsam na produkto. /Bistado


