Opisyal ng miyembro ng Philippine Navy Reserve Command ang beterana at grandslam Best Actress winner na si Lorna Tolentino matapos itong grumadweyt sa Basic Citizen Military Course sa naturang ahensya.
Bilang may ranggo ngayong Seaman First Class (SN1), kahanay na ni LT (bantog na tawag sa aktres sa showbiz) ang ilan pang mga kilalang celebrities na mga reserve member din ng Philippine Navy.
Naging inspirasyon ng actress ang kanyang late husband at action superstar na si Rudy Fernandez na isa ding Phil, Navy reservist.
Sinamahan siya ng kanilang anak na si Rap Fernandez sa kanyang pagtatapos last August 7, sa Taguig City pati na ng ilan niyang mga mahal na kaibigan na proud sa pagtatapos ng magaling na aktres.
Sa kanyang socmed account ay tinuran ni LT na, “Discipline is choosing to finish, even when it’s hard. Just finished. Lorna Tolentino Fernandez, at your service. Philippine Navy Reserve Command. Mabuhay ang Pilipinas!.”
Dinagsa ng congratulatory greetings si LT hindi lang ng mga taga-industriya kundi ng kanya ring mga fans.
Isa sa mga major na responsibilidad ni LT bilang Seaman First Class reservist ay may kaugnayan sa mga gawaing medical at media ng Phil. Navy.
“Dun nila ako nilagay. Kasi mas makakatulong ako sa media. In-interview nga nila ako after the graduation. Magsasalita ako para sa Hukbong Sandatahang Pandagat. Nabonggahan ako sa kanila. Masaya!” saad ng aktres.
May mga bashers namang kinukuwestyun ang tila palakasan daw na proseso sa pagtanggap ng mga reservists lalo’t nasa 60’s na ang edad ni LT.
Sinagot naman ito ng aktres na dumaan din siya sa matinding training hindi lang sa pag-undergo ng studies o pag-aaral kaugnay ng mga bagay-bagay sa Phil. Navy, kundi maging sa pisikal na aspeto.
Ibinahagi pa niyang sa isang pagkakataon sa training niya na ginawa sa Cavite, naranasan niyang, “parang banana boat, na tumalbug-talbog ako. Ang hirap! Sumakit lahat ng katawan ko. Kasi yung waves, tumatalbug-talbog ka. Puwede kang tumilapon kung hindi ka nakakapit sa rope. Sabi ko, ‘Ano ba yan! Kung kailan ako tumanda!”
Subalit kinaya naman niya ang mga kagayang training dahil inisip nga daw niya ang inspirsayong iniwan ng kanyang late husband.
“Sabi ko siyempre, naging inspirasyon ko si Daboy, kasi Philippine Navy reservist siya. Noong pumanaw si Rudy ay binigyan ito ng military honors ng Philippine Navy. Because of the full military honors na binigay sa kanya… kay Daboy ng Philippine Navy, nakaka-touch sa puso,” dagdag pa ni LT.
Sa ngayon nga ay si LT ang latest addition sa dumaraming bilang ng mga artista na bahagi na ngayon ng Philippine Navy Reserve Command gaya nina Dingdong Dantes, Christopher De Leon, Roco Naccino, Winwyn Marquez, Carlos Yulo, at marami pang iba.


