Binigyan ng go signal ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang hanggang P15 milyong direct public offering (DPO) ng Allied Care Experts (ACE) Medical Center-Pateros, Inc. para makatulong sa pagbili ng medical equipment ng ospital.
Sa meeting nitong Martes, September 15, nagpasya ang SEC Commission En Banc na gawing effective ang registration statement ng ACE Pateros na sumasaklaw sa 260,000 common shares, subject sa pagtupad ng kumpanya sa ilang natitirang requirements.
Sa public offering, mag-aalok ang ACE Pateros ng 15,000 common shares bilang primary offer sa presyong P1,000 bawat share.
Hahatiin ang mga ito sa 1,500 blocks na may tig-10 shares. Minimum subscription ang isang block o 10 common shares, katumbas ng P10,000.
Inaasahang makakakuha ang ACE Pateros ng humigit-kumulang P14.28 milyong net proceeds mula sa offering.
Gagamitin ang pera para bahagyang pondohan ang pagbili ng medical equipment, na nakatakdang paglaanan sa fourth quarter ng 2026.
Hindi sa stock exchange dadaan ang bentahan. Ita-trade ang shares over the counter sa pamamagitan ng internal staff ng ospital at ipamamahagi sa first come, first served basis.
Bukas ang offering sa medical specialists at kanilang mga kamag-anak, gayundin sa general public.
Inihain ng ACE Pateros ang DPO sa ilalim ng Securing and Expanding Capital for Hospital Entrepreneurs (SEC HOPES) program.
Layunin ng SEC HOPES na gawing mas madali para sa medical industry ang pag-access sa kapital sa pamamagitan ng streamlined registration process para sa public offerings na gagamitin sa pagpopondo ng hospital projects. /Bistado


