Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

DA pinabilis ang pautang para sa binahang farmers para balik-produksiyon agad

Pinabilis ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapautang sa mga magsasakang sinalanta ng mga nagdaang pagbaha upang agad nilang maibangon ang nasirang sakahan at maipagpatuloy ang produksiyon bago ang susunod na planting season.

Sa ilalim ng AGRI-RECOVER Program ng Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC), unang makatatanggap ng tig-P35,000 calamity loan ang 50 apektadong magsasaka sa Pampanga, katumbas ng kabuuang P1.75 milyon.

Inilunsad ang programa nitong Lunes, September 14, sa Angeles City, kung saan tinatayang 200 magsasaka ang dumalo. Nagkaroon din ng program orientation at financial literacy sessions.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kailangang mabilis na makarating ang puhunan sa mga magsasaka upang maayos ang kanilang sakahan at makapagtanim muli.

“Kapag mabilis na makautang ang mga magsasaka para maayos ang kanilang mga sakahan, mas maaga silang makapagtatanim muli, mas mabilis na makababawi ng kita, at makatutulong na mapanatiling tuloy-tuloy ang suplay ng pagkain sa mga mamimili,” ani Tiu Laurel.

“Ang pagtulong sa mabilis na pagbangon ng mga magsasaka ay isa ring pamumuhunan sa seguridad sa pagkain.”

Inilunsad ang programa matapos umabot sa P4.38 bilyon ang pinsala ng malawakang pagbaha at matinding sama ng panahon sa agrikultura at pangisdaan.

Humigit-kumulang 99,000 magsasaka at mangingisda at 81,000 ektarya ng agricultural land ang naapektuhan.

Sinabi ni Tiu Laurel na hindi inaasahang magkakaroon ng malaking epekto ang pinsala sa kabuuang suplay ng bigas. Gayunman, maaaring pansamantalang maapektuhan ang supply at presyo sa ilang lugar dahil sa production losses, transport delays at pagkasira ng high-value crops.

Target ng AGRI-RECOVER na tugunan ang agarang cash-flow problem ng mga magsasaka. Matapos masira ng baha ang mga pananim, kailangan pa rin nila ng puhunan para sa paghahanda ng lupa, binhi, pataba at iba pang farm inputs bago muling kumita sa susunod na ani.

Susunod na ilulunsad ang programa sa Pangasinan sa Biyernes, October 16.

Plano ring dalhin ang programa sa iba pang lugar na idineklarang nasa State of Calamity, kabilang ang Benguet, Bataan, Bulacan, Zambales, Tarlac, Cavite, Rizal, Batangas at ilang bahagi ng Occidental Mindoro.

Nakadepende ang rollout sa beripikasyon ng mga apektadong magsasaka, financing needs at kahandaan ng local government na ipatupad ang programa.

“Bawat magsasakang muling makapagtatanim ay hindi lamang muling itinatayo ang kanyang kabuhayan. Tumutulong din siya upang matiyak ang susunod na suplay ng pagkain,” ani Tiu Laurel. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles