Inilunsad ng Quezon City local government ang QC iReport, isang online platform kung saan maaaring magsumite ang QCitizens ng non-emergency complaints tulad ng tambak na basura, sirang streetlight, at lubak-lubak na kalsada.
Agad nang nakita ang gamit ng bagong sistema matapos tugunan ng Pamahalaang Lungsod ang reports ng concerned QCitizens tungkol sa mga sirang kalsada.
Sa pangunguna ng QC Engineering Department, naisaayos ang mga lubak at sirang bahagi ng kalsada sa Sto. Domingo Street sa Barangay Balingasa at sa Sikatuna Bliss sa Barangay UP Diliman.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng QC iReport na gawing mas mabilis at madali ang pagre-report ng mga reklamo sa lungsod, anumang oras at saanman.
“With just one click, mas pinabilis at pinadali na ang pagre-report ng non-emergency concerns o mga reklamo sa lungsod, anytime, anywhere,” ayon sa abiso.
Sakop ng platform ang mga concern na hindi emergency, gaya ng hindi nakolektang basura, sirang kalsada, pundidong ilaw sa poste, at iba pang isyung kailangang aksyunan ng city government.
Para mag-report, maaaring bisitahin ang QC e-Services site sa https://qceservices.quezoncity.gov.ph/.
Sa parehong site, maaari ring ma-access ang QC Open Data Dashboards, QC Open Infra Dashboard, at QC iReport.
Doon din maaaring makita ang iba’t ibang programa, serbisyo, at proyekto ng lokal na pamahalaan.
Sa bagong online sumbungan, mas direkta na ang daan ng reklamo mula residente papunta sa city government. /Bistado


