Tinapos na ng National University (NU) at De La Salle University ang UAAP Season 88 volleyball season nitong Sabado.
Nag-kampeon sa ika-anim na sunod na season ang NU Bulldogs matapos walisin ang best-of-three finals series kontra Far Eastern University (FEU) sa Game Two, 26-24, 25-22, 25-22, sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang titulo ay pang-walo ng Bulldogs sa liga.

Nakuha rin ng NU ang Game One noong Miyerkules, 21-25, 25-19, 21-25, 25-20, 15-8.
Tinapos naman ng La Salle ang dalawang taong pag-rereyna ng NU, 25-22, 25-16, 25-16, at ipaghiganti ang pagkatalo nila sa NU noong Season 87.
Hindi natalo sa 16 na laro ang La Salle, kabilang ang 14-0 sa eliminations na katumbas ng pagpasok agad sa finals.
Ito ang pangalawang season sweep na nagdala sa titulo sa La Salle sa ilalim ni coach Ramil de Jesus.
Noong 2004 bago ang Final Four format, na-sweep ng Lady Spikers at awtomatikong tinanghal na kampeon.
Pinangunahan ni Finals Most Valuable Player (MVP) Leo Ordiales ang NU na may 24 puntos.
Si Ordiales din ang tinanghal na Best Opposite Spiker.
“The award is just a bonus because our real goal is to get the six-peat,” ani Ordiales.
Nagdagdag si Jade Disquitado ng 13 puntos, 15 receptions at limang digs, samantalang si Best Outside Spiker Michaelo Buddin ay may walong puntos at 17 receptions.


