Magbibigay ang NLEX Corporation ng toll rebate sa San Fernando-Pulilan stretch ng North Luzon Expressway (NLEX), northbound at southbound, habang nagpapatuloy ang pagbaha sa Pampanga na nagdulot ng matinding trapiko at pagkaantala sa biyahe.
Epektibo ang rebate mula alas-12 ng tanghali noong September 2, 2026 at magpapatuloy hanggang maging passable sa lahat ng vehicle classes ang lahat ng lanes sa naturang bahagi ng expressway.
Direktang ike-credit ang rebate sa RFID account ng motorista isang araw matapos ang toll passage. Hinikayat naman ang non-RFID users na magpakabit ng RFID para makagamit ng rebate at mas mapadali ang toll transactions.
Sa regular rates, P113 ang toll sa Pulilan-San Fernando para sa Class 1 vehicles, P281 para sa Class 2, at P338 para sa Class 3.
Ayon sa Malacañang, bahagi ang toll relief ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tulungan ang motorists at passengers na naapektuhan ng pagbaha at matinding congestion sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
“This is in accordance with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. to assist motorists and passengers stranded in traffic on NLEX due to flooding at the Tulaoc Bridge in San Simon, Pampanga,” sabi ni Palace Press Officer Claire Castro.
“The NLEX management—responded positively [to the President],” dagdag niya.
Sinabi naman ng NLEX na ang pagbaha sa San Simon at Tulaoc ay bahagi ng mas malawak na emergency sa Pampanga matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan ng Habagat at pagtaas ng tubig sa Pampanga River. Pinalala pa umano ito ng pag-apaw ng ilog, na nagpahirap sa paglabas ng sobrang tubig.
Bukod sa rebate, toll-free na rin mula August 2026 ang provincial buses bilang bahagi ng relief para sa public transport.
Inatasan din ng Department of Transportation (DOTr), sa pamamagitan ng Toll Regulatory Board (TRB), ang NLEX na gumawa ng mas mabilis na warning system para sa motorists kapag may malakas na ulan at baha.
Kabilang sa ipinagagawa ang direct SMS o text alerts, advisories, rerouting options, variable message signs, portable VMS, at iba pang accessible platforms bago pa lumala ang kondisyon.
“Our toll operator must be proactive. Let’s anticipate the spots that must be closely tracked during heavy rain, so motorists can be quickly alerted which parts of the expressway are flooded or impassable, and must be avoided,” sabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez. /Bistado


