DUMANGAS, Iloilo — Itataas ng National Food Authority (NFA) sa P21 kada kilo ang minimum buying price ng wet palay mula P17 para protektahan ang kita ng mga magsasaka sa susunod na anihan.
Inanunsyo ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. nitong Miyerkules, July 15, na ipatutupad ang bagong presyo simula Setyembre.
“Inatasan ko ang NFA na itaas sa P21 kada kilo ang minimum buying price ng wet palay upang makatulong sa pagharap ng mga magsasaka sa patuloy na pagtaas ng presyo ng abono at iba pang agricultural inputs,” ani Tiu Laurel, chairman din ng NFA Council.
Inihayag niya ang hakbang sa inagurasyon ng P355-milyong modernong rice processing center sa Dumangas.
Pansamantala ring hindi papayagang magbaba ng imported rice sa alinmang pantalan sa Iloilo mula kalagitnaan ng Setyembre hanggang katapusan ng November. Layunin nitong maiwasang magsabay ang imported supply at kasagsagan ng lokal na anihan.
“Iyan ang magagawa ko upang matiyak na makakakuha kayo ng makatarungang kita mula sa inyong pinaghirapan,” sinabi ni Tiu Laurel sa mga magsasaka.
Inaasahang palalakasin ng mas mataas na buying price ang kakayahan ng NFA na suportahan ang farmgate price. Mababawasan din ang kompetisyon mula sa imported rice habang inaani ang lokal na palay.
Kinikilala ang Iloilo bilang rice bowl ng Visayas. Dito nagmumula ang halos kalahati ng palay sa Western Visayas at mahigit limang porsyento ng kabuuang produksyon sa bansa.
Kayang iproseso ng bagong pasilidad ang hanggang 4,800 sako ng palay na tig-50 kilo bawat araw. Mayroon din itong mechanical dryers para makabili ang NFA ng bagong aning wet palay.
Dahil sa pinalawak na storage capacity, matatanggap ng pasilidad ang hanggang 12 porsyento ng inaasahang ani ng Iloilo.
Dalawa pang malalaking rice processing facilities sa lalawigan ang target maging operational bago ang anihan sa October. Kalaunan namang ipagkakaloob sa isang farmers’ cooperative ang mas maliit na processing center sa Dumangas.
Sa buong bansa, nagtatayo ang NFA ng 36 modernong rice processing facilities. Kalahati ang target maging operational ngayong wet season, habang ang natitira ay inaasahang matatapos bago ang dry-season harvest sa susunod na taon.
“Bahagi ang mga proyektong ito ng adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang moderno at mas matatag na sektor ng agrikultura, kung saan may disenteng kita ang mga magsasaka, may abot-kayang pagkain ang mga mamimili, at nakakamit ng Pilipinas ang pangmatagalang seguridad sa pagkain,” ani Tiu Laurel. /Bistado


