Pansamantalang hindi isasama si Gabriel Go sa clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) habang iniimbestigahan ang viral video ng pagsita niya sa gurong nagmotorsiklo nang walang helmet.
Nilinaw nitong Huwebes, July 16, ni MMDA Chairman Romando “Don” Artes na nananatiling empleyado si Go, pinuno ng Special Operations Group, Task Force for Road Clearing.
“Empleyado pa rin siya, hindi siya suspended sa trabaho,” ani Artes.
Pero magpapatuloy ang clearing operations ng grupo kahit wala si Go.
Nag-ugat ang imbestigasyon sa video na inilagay ni Go sa kanyang Facebook page noong Martes. Makikita rito ang pagsita niya sa gurong lalaki na nagmamaneho ng motorsiklo nang walang helmet.
“Teacher ka tapos wala kang helmet? Paano natin tuturuan ang ating mga estudyante kung ganun?” tanong ni Go.
Humingi ng paumanhin ang guro at nakiusap na huwag ilagay online ang video ng kanyang pagkakahuli.
“Blurred ka naman. Wag ka na lang magpapakilala ng pangalan mo,” sagot ni Go.
Nang sabihin ng guro na kilala siya sa lugar, sinabi ni Go: “Eh dapat inisip niyo muna yan bago kayo gumawa nang mali.”
Pinagmulta ang guro dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.
Nakatanggap ang MMDA ng mga liham mula sa iba’t ibang grupo kaugnay ng insidente. Inatasan din si Go na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa pamamagitan ng show cause order.
“Rest assured that we are conducting an investigation as to Mr. Go’s liability, and he was asked to explain his side in formal writing through a show cause order,” pahayag ng MMDA.
“His participation in clearing operations is currently held in abeyance pending the result of the investigation,” dagdag nito.
Ayon kay Artes, aalamin kung nilabag ni Go ang patakaran ng MMDA laban sa social media posts na demeaning o namamahiya ng ibang tao. Kakausapin din ng ahensya ang guro para marinig ang kanyang panig.
“Tayo naman ay may guidelines regarding pagpo-post ng ating mga empleyado sa socmed particularly yung bawal mag-post ng demeaning o yung mga post na ipinapahiya yung ibang tao. So, titingnan po natin kung may paglabag po sa panuntunan na yan,” sabi niya.
Noong nakaraang taon, binatikos din si Go dahil sa umano’y pamamahiya sa isang pulis sa clearing operation sa Quezon City. Nanatili siya sa puwesto ngunit sumailalim sa limang araw na training, mentorship at coaching sa traffic management, leadership, courtesy, discipline, stress at anger management. /Bistado


