Negosyo, posibleng government contracts at mga rehistradong baril ni Vice President Sara Duterte ang susunod na sisilipin ng House prosecution sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa susunod na linggo.
Ayon kay private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nakahanda na ang mga saksi ngunit nakadepende ang kanilang pagharap sa takbo ng hearings, lalo’t nakatakda sa Miyerkules, September 23, ang oral arguments sa kontrobersyal na two-thirds conviction threshold.
“So next week yan ang handa tayong ipresenta sila but depending sa magiging takbo ng pagdinig,” ani Tolosa sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Inaasahang ipaliliwanag ng witness mula sa Civil Service Commission (CSC) ang guidelines sa paghahain ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Tatalakayin naman ng Securities and Exchange Commission (SEC) representative ang mga kumpanyang pinagdeklaraang may financial interests si Duterte.
Ihahain din ang witnesses mula sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) at Bids and Awards Committee ng PhilHealth Regional Office XI kaugnay ng government dealings na maaaring kinasasangkutan ng mga naturang kumpanya.
Isang representative naman ng Philippine National Police Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) ang inaasahang tatalakay sa firearms na nakarehistro kina Duterte at asawa niyang si Atty. Manases Carpio.
Ipinaliwanag din ni Tolosa kung bakit ipinatawag ng prosecution si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte.
Target na suriin kung nagkaroon ng dealings sa Davao City government ang Gencorp Industries, isang kumpanyang nakalista sa SALN ng Bise Presidente.
“So gusto natin makita kung nagkaroon ba ng any dealings itong kumpanya na ito with the city government of Davao,” ani Tolosa.
Plano rin ng prosecution na hilinging ideklara si Mayor Duterte bilang hostile witness kapag siya na ang ihaharap at susuriin.
“We will ask the court to declare him as hostile witness,” sabi ni Tolosa.
Nilinaw niyang hindi pa naihahain ang naturang request at kailangan munang maipakita sa impeachment court na salungat sa prosecution ang interes ng witness. /Bistado


