Finally ay nagbigay ng kanyang sagot ang award-winning at beteranong aktor na si Christopher de leon hinggil sa usaping “inheritance at pera” ng mga anak.
For the longest time nga ay naghihintay ang sambayan na marinig ang saloobin ng ama ng magkapatid na Lotlot at Ian de leon kasama na si Matet sa naging gusot nila hinggil sa foundation na itinatag para sa yumao nilang ina, si Nora Aunor.
Kasabay nito ang naging “sagutan at batuhan” nila ng mga akusasyon tungkol sa kung sino ang may higit na karapatan sa pamamahala ng naturang foundation, lalo na sa diumanoý mga naiwang “mana” ng kanila ina.

Sa panayam ni Ogie Diaz sa pamosong aktor sa youtube channel nito, sinabi ni Bro, Bo na kinakausap niya ang mga anak.
“Kinausap ko sila at kapwa pinakinggan sa magkaibang okasyon at panahon, Sa ngayon, it seems not possible for them to have one decision. Parehong may ganito, may ganyan. I don’t want to meddle, ayaw kong makialam sa kung anumang pinag-didiskusyunan nila, yes, ikaw na ang nagsabi,” pahayag ni de leon sa sinabi ni Diaz na “mana o usapin sa pera.”
Dagdag pang pahayag ng dekalibreng aktor, “but I believe sooner or later magkakaayos din ang magkakapatid. Lumaki silang very close, very sweet at very supportive sa isa’t-isa kaya naniniwala ako, magkakaayos din ang mga iyan.”
Kilala ng showbiz si de leon bilang “ama” ng mga anak ni Nora Aunor kung saan ay hindi naging isyu ang pagpapagamit niya ng kanyang apelyido sa mga ito.
Kahit si Ian lamang ang kanyang biological na anak sa showbiz Superstar, itinuring niyang hindi iba sa kanya sina Lotlot, Matet, Kiko at Kenneth na pawang ginamit ang de leon na apelyido.
Sa totoong buhay ay mayroong limang anak si de leon sa asawa nitong si Sandy Andolong.
Dalawa daw dito ay nakatira na sa New Zealand, habang may dalawa sa New York, USA at isa lang ang kasama nila dito sa Pilipinas.
Aktibong aktibo pa rin si de leon sa showbiz at isa siya sa mga beteranong aktor na laging nabibigyan ng role sa TV series at movies.
Kamakailan lamang ay ikinagiliw ni de leon ang muling pagpapalabas ng ilan sa mga klasiko at ipinagmamalaki niyang pelikula na na-restore gaya ng ‘Kung Mangarap Ka’t Magising’ at ‘Tinimbang Ka Ngunit Kulang.’
Umaasa din daw siyang ma-restore at muling mapanood ng bagong audience ang ilan pa sa mga personal niyang paborito at ipinagmamalaking obra gaya ng ‘Relasyon’ at ‘Broken Marriage.’


