Napatanong ang ilang netizens kung bakit umabot umano sa 473 sundalo at pulis ang security personnel na nakatalaga kay Vice President Sara Duterte, kasabay ng pagtalakay sa Senate impeachment trial kung bakit gumamit pa ng confidential funds ang Office of the Vice President (OVP) para sa security-related activities.
Umani ng sandamukal na komento ang isang post ni Redditor cashew_at_kinaya sa r/ChikaPH tungkol sa bilang ng mga nagbabantay sa Bise Presidente.
Sentro ng diskusyon ang argumento ni private prosecutor Atty. Mae Divinagracia na mayroon nang security protection si Duterte mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP), na may sarili nang intelligence funds para bantayan ang mga banta gaya ng New People’s Army at terrorist groups.
“The P500 million bought protection the Vice President already had against threats the AFP and PNP were already paid billions to watch,” sabi ni Divinagracia.
Dito napatanong ang maraming Reddit users kung bakit kailangan pa umano ng ganoong karaming security personnel.
“She built an army. Mapapa-isip ka, bakit? Ganun ba ka-importante buhay nya. Parang wala naman tayong pakibangan sa kanya,” komento ng isang Redditor.
“Dinaig pa ang royal family ah,” sabi naman ng isa.
“Kadami-dami namang security,” ang naging sentimyento ng iba, habang may nagtanong: “Pinapasahod natin yan lahat?”
May ilan ding nagkumpara sa bilang sa isang military unit. Isang Redditor ang nagbanggit na ang 473 personnel ay maihahambing sa laki ng isang battalion, bagama’t ang comparison nito ay ibinatay lamang sa impormasyon mula sa isang AI tool at hindi sa official AFP classification.
May nagtanong din kung talagang 473 individuals ang aktuwal na nakatalaga o kung may ibang paliwanag sa bilang.
Bukod sa dami ng security, pinuna rin ng ilang commenters ang paggamit ng confidential funds para sa security activities kung mayroon nang AFP at PNP personnel na nakatalaga sa Bise Presidente.
“Di ko magets kung sino pa yung nagbigay ng multiple death threats sa ibang tao siya pa yung maraming bantay. 400+?!?!” komento ng isa.
“473 ang security?! pero ang tapang manapak ng sheriff at mag death threat 😆,” sabi naman ng isa pang Redditor.
May ilan ding nagbalik sa public image ni Duterte bilang matapang na political figure.
“And yet…… simpleng tao lang po si Inday Sara, sa 711 lang kumakain ng cup noodles at nagtatanim ng halaman,” sarkastikong komento ng isang user.
Ang mas malaking usapin na lumitaw sa thread ay kapareho ng puntong inilatag ng prosecution: kung mayroon nang security apparatus na binabayaran ng gobyerno para protektahan ang Bise Presidente laban sa security threats, bakit kailangan pang gumastos ng confidential funds para sa ilang security-related activities? /Bistado


