Sa gitna ng tumitinding gastos at agresibong pagpapalawak sa artificial intelligence (AI), dalawang higanteng tech company—Meta Platforms at Microsoft—ang nag-anunsyo ng magkahiwalay na hakbang sa kanilang workforce nitong Huwebes, kabilang ang workforce cuts at restructuring, ayon sa mga ulat.
Sa panig ng Meta, planong bawasan ang empleyado ng humigit-kumulang 10 porsiyento ng kabuuang workforce nito—katumbas ng tinatayang 8,000 empleyado—habang isasara rin ang nasa 6,000 open positions, ayon sa ulat ng Bloomberg. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pag-aayos ng operasyon ng kumpanya habang tumataas ang puhunan at gastusin sa AI.
Ayon sa memorandum ng Meta para sa mga empleyado, ang mga layoff ay nakatakdang mangyari sa May 20, bilang bahagi ng layunin nitong pagbutihin ang efficiency at i-offset ang patuloy na pamumuhunan sa AI, kabilang ang large language models at chatbots. Sa madaling salita: habang pinapalakas ng Meta ang mga AI product at platform, naghahanap ito ng paraan para panatilihing mas “lean” ang organisasyon at mas kontrolado ang gastos.
Kasabay nito, binanggit sa ulat na si Meta chief executive officer Mark Zuckerberg ay pinabibilis ang paggastos ng kumpanya para sa AI infrastructure at partnerships, at inaasahan ng Meta ang record capital expenditures ngayong taon. Sa kabila ng workforce reductions, sinabi rin ng kumpanya na ang mga apektadong empleyado ay makatatanggap ng severance packages at support services.
Samantala, sa Microsoft naman, ibang ruta ang pinili: voluntary buyouts. Ayon sa ulat ng CNBC, sinabi ng Microsoft na mag-aalok ito ng voluntary buyouts sa hanggang 7 porsiyento ng workforce nito sa United States. Saklaw ng programang ito ang mga empleyado mula senior director level at pababa, basta pasok sa eligibility criteria batay sa age at years of service.
Ayon pa sa Microsoft, ang hakbang ay bahagi ng pagsasaayos para makaangkop sa mga pagbabagong dulot ng AI, pati na rin sa pag-aayos ng internal compensation at review systems. Habang ginagawa ito, patuloy din ang pagtutok ng Microsoft sa data center investments para suportahan ang AI services—isang direksiyong tinatahak din ng iba pang malalaking tech firms. /Bistado


