Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mayor Baste: Ako pa rin accountable sa Davao City procurement deals

Inamin ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na nananatili sa kanya ang accountability sa procurement contracts ng lungsod kahit ibang opisyal ang lumalagda sa mga kontrata sa ilalim ng awtoridad na ibinigay niya.

Lumabas ito sa kanyang pagtestigo nitong Martes sa Senate Impeachment Court habang tinatanong siya ni private prosecutor Atty. Theodore “Ted” Te tungkol sa Davao City contracts na nakuha ng Gencorp Industries Inc.

Idineklara ni Vice President Sara Duterte, kapatid ng alkalde, ang Gencorp bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).

Kinumpirma ni Mayor Duterte na siya ang head of the procuring entity (HOPE) ng Davao City. Saklaw ng kanyang kapangyarihan ang pag-apruba sa annual procurement plan, pagtatalaga sa Bids and Awards Committee, at pag-apruba sa lawful changes sa procurement methods at contract awards.

Kinilala rin niya si Atty. Tristan Dwight Domingo bilang assistant city administrator for administration.

Nang tanungin kung awtorisado si Domingo na lumagda sa city contracts para sa kanya, sagot ni Duterte: “Yes, I named him as my representative.”

Kinumpirma niyang lumalagda si Domingo sa awards at contracts sa ilalim ng delegated authority mula sa kanya bilang mayor at HOPE. Dahil dito, hindi kailangang personal na pirmahan ng alkalde ang bawat kontrata.

“That is true,” ani Duterte.

Nang tanungin kung alam niya ang lahat ng kontratang pinirmahan ni Domingo para sa kanya, sagot ng alkalde: “Not all.”

“If it comes to my table, yes, I would be aware of it. If there is an irregularity, then I would be aware of it,” dagdag niya.

Hindi pirma ni Mayor Duterte ang nasa Gencorp contracts na tinalakay sa pagdinig. Kinumpirma niyang si Domingo ang lumagda sa ilalim ng delegated authority at hindi niya binawi ang naturang kapangyarihan.

Direktang tinanong ni Te kung naililipat din ba ang accountability kapag dinelegate ang signing authority.

“You’re aware, Mr. Mayor, that delegating your signing authority to Atty. Domingo does not delegate your accountability as the HOPE?” tanong ni Te.

“Of course. Correct,” sagot ni Duterte.

Ayon sa prosecution, 15 food at catering contracts na nagkakahalaga ng kabuuang P34,216,900 ang nakuha ng Gencorp mula Davao City mula 2022 hanggang 2025. Nauna nang lumitaw ang halaga sa PhilGEPS records na iniharap sa impeachment trial.

Tinanong din si Duterte tungkol sa kanyang kaalaman sa Gencorp. Sinabi niyang nakilala lamang niya ang kumpanya nang mabanggit ito sa impeachment proceedings.

“When it was raised in this court, but before that, no,” aniya.

“No,” din ang sagot niya nang tanungin kung alam niyang may idineklarang interest ang kanyang kapatid sa Gencorp at kung alam niyang nakalista ito sa 2024 at 2025 SALNs ng bise presidente.

Bahagi ang testimony sa Article II presentation ng prosecution kaugnay ng mga alegasyon sa wealth disclosures at business interests ni VP Duterte. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles