Papasok ang Maynilad Water Services Inc. sa Philippine Stock Exchange index (PSEi) simula Agosto 3 matapos matugunan ang mga rekisito para sa early inclusion.
Papalitan ng Maynilad, na may stock symbol na MYNLD, ang Converge Information and Communications Technology Solutions Inc. o CNVRG sa 30-member index ng mga pinakakalakal at may pinakamalalaking market capitalization na kumpanyang nakalista sa Philippine Stock Exchange.
Ikatlong kumpanya lamang ang Maynilad na naging kuwalipikado sa early PSEi inclusion mula nang ipakilala ang patakaran noong 2021. Ayon sa PSE, nakatulong ang paglago ng presyo ng mga sapi nito matapos ang initial public offering at ang malakas na demand sa stock upang matugunan ang market capitalization at liquidity requirements.
Sakop ng pagsusuri ang trading activity mula Hulyo 2025 hanggang Hunyo 2026 at ginamit dito ang kasalukuyang PSE Policy on Index Management.
Ililipat ang Converge sa PSE MidCap index, kung saan papasok din ang Philex Mining Corp. Aalisin naman dito ang Asia United Bank. /Bistado


