Sa pambihirang pagkakataon ay naringgan si Matet de leon ng kanyang mga saloobin sa maintriga at kontrobersyal na “estate at last and testament” ng yumaong “mommy” nilang si National Artist Nora Aunor.
Sa interview nito sa programang Fast Talk ni Boy Abunda sa GMA 7 last Thursday, May 7 ay nilinaw nitong wala silang away ng kapatid niyang si Ian de Leon.
“Actually hindi ko po masabing away but misunderstanding,” sagot ni Matet sa intrigang nagkakagulo silang magkakapatid nang dahil sa mga naiwan ng ina, lalo na naging pahayag ni Ian na siya lamang ang nag-iisa at legal na “tagapagmana” ng Superstar.
“Totoo naman po. Wala namang pagdududa doon. Kumbaga kahit na hindi niya po sabihin eh understandable alam naman po ng lahat ‘yan,” sagot ng aktres sa tanong.
Na-blown out of proportion nga lang daw ang lahat nang lumabas sa media na tila silang mga naiwan ni Ate Guy ay nagkakagulo at nag-aaway-away lalo’t pumasok ang usapin sa pagtatatag ng ‘foundation” para sa ina at pamamahala sa mga estate o naiwan nito.
Paliwanag ni Matet, “noon po kasing mamatay si Mommy, maraming nagsulputan na gumawa ng foundation, ng ganito ganireng grupo para daw pamahalaan ang mga naiwan ni Mommy–her work of art, her recording, at lahat ng bagay sa kanya. Noon po minabuti ni Ate (Lotlot de leon) at naming magkakapatid na itayo yung Nora Aunor Foundation para na rin sa aming proteksyon. Pero ganun nga po, somewhere, somehow, may lumabas ng mga isyu.”
Ang tinutukoy ni Matet ay ang sinasabing Foundation at Nora Aunor Enterprise na itinatag naman ni Ian kung saan nagpahayag nga din itong siya lang ang may legal na karapatan at nag-iisang “heir” ng Superstar.
“Hindi po kami nasabihan. Hindi po kami na-inform, pero tama naman po si Kuya (Ian),” sagot ni Matet sabay sabing ayaw na nilang panghimasukan pang magkakapatid ang usapin.
“Hindi po kami kasama. Nalaman na lang po namin about ‘yung dalawa sa social media,” dagdag pa nito.
Kinumpirma din ni Matet basa sa kanyang kaalaman na marami ngang properties na naiwan ang ina pero inamin din niyang wala siyang anumang knowledge tungkol sa pinagtatalunang “last will and testament.”
“Hindi po namin hinahabol yun. At wala po kaming balak na alamin pa yun,” pahayag nito.
Ipinaliwanag din ni Matet kung bakit kinailangan niyang sumagot sa mga bashers sa socmed, lalo’t marami daw ang nag-aakusa sa kanila ng kung anu-ano at idinadamay pa ang mga non-showbiz siblings nila ng kanyang ate Lotlot.
“Post ko lang uli. Ito nga pala ang ngiti ng mga ampon na walang mana. Mukha ba kaming may pake?”
“Eh yun naman po ang sinasabi ng mga tao na ‘wala kayong mana, wala kayong karapatang pamanahan,’ laging ganoon. ‘Mabuti nga inampon pa kayo, eh ‘yung oras para kay Ian ibinigay pa sa inyo, kaagaw na kayo ni Ian buong-buhay niya. Maging masaya na kayo na binihisan, pinag-aral at pinakain kayo.’ Doon po parang kumulo ako na as if we’re not grateful. We’re grateful. I’m here, talking with you Tito Boy because of my mom. I’m Matet because of my mother. So I’m grateful. Eh sila puro mana ang nasa isip ng ibang tao, hindi ba?
“Respetuhin niyo naman kami kasi inaalala pa namin si mommy. Hindi po namin iniisip ‘yang mana na ‘yan and wala kaming hinihingi at wala kaming kini-claim. …But please respect us — not just me but my brothers, too because tinawag na kaming call girl, call boy. ‘Kung hindi kayo kinuha ni Nora Aunor malamang call girl, call boy.’ You think mommy will be happy kapag nalaman niya na sinasabi niyo ‘yan? Ako okay lang ako eh, but my brothers, hindi po sila artista,” ang mahaba pang litanya at himutok ni Matet.


