Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mas malakas na anihan ng palay, inaasahan ngayong tag-init

Inaasahang mas lalakas ang ani ng palay ngayong dry season, kasabay ng pag-angat ng presyo na muling nagpapalakas ng loob ng mga magsasaka na magtanim.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., bumabalik ang kumpiyansa ng sektor matapos ang panahong mababa ang kita sa palay.

“Many farmers decided not to plant last season because they were still recovering from losses when palay prices were between P10 and P12 per kilo,” ani Laurel. “This harvest season, we are seeing prices improve to P22 to P27 per kilo, and we hope this continues so farmers are encouraged to plant more for the next season.”

Noong nakaraang taon, bumagsak ang farmgate prices sa ilang lugar hanggang P8 kada kilo, habang nasa P10 hanggang P12 kada kilo sa maraming merkado. Dahil dito, maraming magsasaka ang nagbawas o nag-antala ng pagtatanim.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang pagbangon ng presyo ay bahagyang dulot ng mga hakbang para higpitan ang suplay, kabilang ang pansamantalang restriksyon sa pag-angkat ng bigas mula September hanggang December na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kasabay ng pag-angat ng presyo, nagpapatuloy ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka. Kabilang dito ang fertilizer at fuel subsidies, mas mabilis na distribusyon ng inputs, at pinalawak na tulong pinansyal. Pinag-aaralan din ang voucher system para sa farm inputs at hinihikayat ang paggamit ng organic fertilizers para mapababa ang gastos.

Sa kabila ng mas positibong outlook, naitala pa rin ang epekto ng mga nakaraang problema. Ayon sa Philippine Statistics Authority, bumaba ang produksyon ng palay sa unang quarter sa 4.4 million metric tons mula sa 4.69 million metric tons noong nakaraang taon.

Ang mga inaning ito ay itinanim noong huling bahagi ng 2025, kasabay ng sunod-sunod na bagyo na nagdulot ng malalakas na ulan at pagbaha sa mga pangunahing taniman, kabilang ang Cagayan Valley at Western Visayas.

Dagdag pa rito ang pinsala sa irigasyon na nakaapekto sa humigit kumulang 37,000 ektarya sa ilalim ng National Irrigation Administration Upper Pampanga River Integrated Irrigation System, na naglimita sa suplay ng tubig sa mga sakahan.

Sa pag-angat ng presyo at tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan, inaasahan ng mga opisyal ang pagbuti ng produksyon at pagdami ng magsasakang magtatanim sa susunod na mga buwan. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles