Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Mary Jane Veloso posible nang makalaya, absolute pardon kinokonsidera ni PBBM

Posible nang makalaya si Mary Jane Veloso matapos kumpirmahin ng Malacañang nitong Miyerkules, September 23, na pinag-aaralan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay sa kanya ng absolute pardon na nakabatay sa humanitarian grounds.

Kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro ang development matapos sabihin ni Bataan Rep. Albert Garcia sa deliberasyon sa proposed 2027 budget ng Office of the President na “seriously considering” ang Malacañang sa pagbibigay ng absolute pardon kay Veloso.

Ayon kay Castro, humanitarian grounds ang batayan sa pagsasaalang-alang ng pardon.

Nang tanungin kung posibleng maibigay ito bago mag-Christmas, sinabi niyang posibleng mas maaga pero walang ibinigay na tiyak na petsa.

“Baka mas maaga. Let us see. Hayaan natin ang Pangulo magsalita,” sabi ni Castro sa Palace briefing.

Nauna ring sinabi ni Garcia na posibleng magkaroon ng announcement tungkol dito sa mga susunod na araw.

Dating overseas Filipino worker si Veloso na nahatulan ng drug trafficking at sinentensiyahan ng kamatayan sa Indonesia noong 2010.

Halos 15 taon siyang nanatili sa kustodiya ng Indonesia bago siya ibinalik sa Pilipinas noong December 2024 kasunod ng kasunduan ng Manila at Jakarta.

Kasalukuyang nakakulong si Veloso sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.

Nilinaw din ni Castro na hindi kailangang humingi ng pahintulot ang gobyerno ng Pilipinas sa Indonesia para sa posibleng pagbibigay ng pardon.

Matagal nang umaapela si Veloso at kanyang pamilya para sa executive clemency. Noong July, sinabi ng Malacañang na ipararating kay Marcos ang naturang apela para sa kanyang konsiderasyon.

Noong December 2024, sinabi naman ni Marcos na daraan sa pagsusuri ng legal experts ng gobyerno ang kahilingan para sa clemency.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon o tiyak na petsa para sa pardon. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles