Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Sabado, July 11, ang rehabilitasyon ng Philippine Fisheries Development Authority-Navotas Fish Port Complex (PFDA-NFPC).
Kasama ng Pangulo sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Agriculture Undersecretary Drusila Bayate, PFDA Acting General Manager Atty. Glen Pangapalan at Navotas Mayor John Rey Tiangco.
Inikot nila ang pangunahing fish port ng bansa at tinalakay ang modernization program para gawing mas episyente, matatag at kompetitibo ang pasilidad.
Pinangangasiwaan ng PFDA, nagsisilbing sentro ng kalakalan at distribusyon ng isda ang NFPC mula noong 1976. Isa rin ito sa pinakamalalaking fish port sa Timog-Silangang Asya at daanan ng seafood para sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon.
Target matapos sa Disyembre 2026 ang Phase 1 ng pagpapahusay sa shipyard. Nakatakda naman sa Hunyo 2027 ang pagkumpleto sa Phase 2 ng rehabilitasyon ng Market Halls 1 at 2.
Palalawakin ng mga proyekto nang halos 25 ektarya ang operational area ng fish port.
“Ang kinabukasan ng industriya ng pangisdaan sa Pilipinas ay hindi lamang nasusukat sa dami ng ating nahuhuling isda, kundi sa dami ng ating naiimbak matapos ang bawat huli,” ani Secretary Tiu Laurel.
“Bawat pamumuhunan sa modernong mga pantalan, cold storage, at post-harvest facilities ay nakatutulong upang mabawasan ang nasasayang na ani, mapataas ang kita ng ating mga mangingisda, mapanatili ang kalidad ng pagkain, at higit na mapalakas ang seguridad sa pagkain ng bansa.”
Sinabi rin niyang nagpapababa ng gastos sa logistics, nagpapanatili ng kalidad at lumilikha ng mas mataas na halaga sa fisheries supply chain ang modernong fish port.
Ayon kay Pangapalan, hindi bababa sa 30,000 katao ang direktang nakikinabang sa NFPC. Umaabot ito sa humigit-kumulang 50,000 tuwing kasagsagan ng pangingisda, habang milyon-milyong mamimili ang umaasa rito para sa sariwang produktong-dagat.
“Sa loob ng halos limang dekada, nagsilbing lifeline ng kalakalan ng pangisdaan sa bansa ang Navotas Fish Port Complex, na nagsisiguro na ang mga sariwang produktong-dagat ay nakararating sa hapag ng milyun-milyong pamilyang Pilipino,” ani Pangapalan.
“Sa pamamagitan ng modernisasyong ito, lalo nating pinagtitibay ang legacy nito sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang mas episyente, matatag, at handa sa hinaharap na fish port na sumusuporta sa ating mga mangingisda, lumilikha ng mas maraming kabuhayan, at nagpapatibay sa seguridad sa pagkain ng bansa.”
Bahagi ang proyekto ng pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang fisheries logistics, post-harvest systems at pangmatagalang seguridad sa pagkain. /Bistado


