Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 121 na nagtatatag sa Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program upang palakasin ang lokal na paggawa ng electric vehicles at makahikayat ng investment sa automotive industry.
Nilagdaan noong July 29 ang kautusan na nagbibigay ng fiscal incentives sa local manufacturing ng hybrid at battery electric passenger cars, commercial vehicles, at mga piyesa at component ng mga ito.
Target ng programa na palawakin ang domestic EV production, lumikha ng dekalidad na trabaho, bawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuels at gawing regional automotive manufacturing hub ang Pilipinas.
“The EVIS Program shall provide time-bound, targeted, performance-based, and transparent fiscal support to encourage strategic investments in domestic EV manufacturing,” nakasaad sa kautusan.
Maaaring magparehistro ang kuwalipikadong manufacturer ng hanggang dalawang EV model at tumanggap ng dalawang uri ng insentibo.
Ang Fixed Investment Support ay tutulong sa pagtatayo o pagpapalawak ng manufacturing facilities, habang layunin ng Production Volume Incentives na palakasin ang lokal na produksiyon.
Sa halip na cash grant, Tax Payment Certificates ang matatanggap ng mga kuwalipikadong participant. Maaari itong gamitin sa pagbabayad ng ilang national taxes at import duties.
Upang maging kwalipikado, kailangang magsagawa ng bagong investment ang participant, maglaan ng hindi bababa sa P5 bilyong kapital, maabot ang production targets at mailunsad ang locally manufactured EV models sa loob ng tatlong taon mula sa registration.
May maximum incentive ceiling na P60 bilyon ang EVIS Program. Hanggang P15 bilyon ang maaaring ilaan sa bawat nakarehistrong EV model, ngunit daraan pa ito sa taunang budget process.
Regular ding babantayan ang mga participant upang matiyak na natutupad nila ang investment commitments at production targets.
Pangungunahan ng Board of Investments ang pagpapatupad ng programa. Susuportahan ito ng inter-agency committee na binubuo ng Department of Finance, Department of Energy, Department of Transportation at Department of Budget and Management. /Bistado


