Magbabalik sa Pilipinas ang Makro matapos pumirma ang Ayala Group ng cooperation deal sa Thailand-based CP Axtra para palawakin ang retail footprint ng brand sa rehiyon.
Sa kasunduan, pagsasamahin ng Ayala ang property expertise nito at ang retail network ng CP Axtra para pagandahin at palakasin ang Makro malls sa Thailand.
Bukod dito, bumuo rin ang dalawang grupo ng joint venture na M&Co Corp. para magbukas ng Makro stores sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Sa joint venture, hahawak ang ACX Holdings ng Ayala ng 49.9 percent stake, habang kontrolado naman ng CP Axtra ang majority share na 50.1 percent.
Target ng bagong Makro outlets na mag-alok ng mas abot-kayang pagkain at iba pang goods para sa ordinaryong shoppers at small businesses.
Hindi na bago ang Makro sa Pilipinas. Unang nag-operate ang brand sa bansa noong 1996 hanggang 2004, bago ibenta ng Ayala ang stake nito.
Kalaunan, ang dating Makro locations sa bansa ay na-convert bilang SM Hypermarkets.
Ayon sa dalawang grupo, bahagi ang partnership ng mas malawak na regional expansion at long-term growth strategy, habang inaasahang makatutulong din ito sa pagpapalakas ng local retail sector. /Bistado


