Nakapagtala ang national government ng P1.67 trillion revenue collection sa unang apat na buwan ng taon, halos 10 percent na mas mataas kumpara noong nakaraang taon, batay sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr).
Ayon sa BTr data, lumago ang revenue collection ng National Government (NG) ng 13.8 percent kada taon mula 2022 hanggang 2025. Mas mabilis ito kaysa historical averages at malapit sa Medium-Term Fiscal Framework.
Lumakas din ang kalidad ng koleksyon. Hindi na lang nakasandal ang gobyerno sa one-off windfalls o minsanang malaking kita mula sa espesyal na transaksyon. Mas lumalakas ang core tax collection mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC).
Noong 2024, umabot sa 16.72 percent ng gross domestic product ang revenue effort, o koleksyon bilang bahagi ng ekonomiya. Ito ang pinakamataas na revenue-to-GDP ratio ng gobyerno sa loob ng 27 taon, o mula 1997.
Nakalikom ang gobyerno ng P3.546 trillion noong 2022, P3.824 trillion noong 2023, P4.419 trillion noong 2024, at P4.453 trillion noong 2025, ayon sa BTr data at congressional revenue performance figures.
Malakas ang 2024 dahil umabot sa P618.3 billion ang non-tax revenues, na hinatak ng one-off Public-Private Partnership concession fees at fund balance transfers mula sa state-owned PhilHealth.
Pagdating ng 2025, bumagal ang revenue growth sa 0.78 percent matapos bumagsak ang non-tax revenue ng higit 39 percent dahil wala na ang one-off windfalls.
Pero kahit bumagal ang kabuuang paglago, lumaki ang core tax collection ng 7.27 percent sa P4.08 trillion. Ipinakita nito na mas nakasandal na ang pondo ng gobyerno sa regular tax administration kaysa pansamantalang financial maneuvers.
Sa unang apat na buwan ng taon, P1.48 trillion ang tax revenues, mas mataas ng 3.54 percent mula P1.43 trillion noong nakaraang taon. Mas mabilis ang talon ng non-tax revenue, na higit doble sa P192 billion mula P90.7 billion.
Lumampas din sa dating performance ang BIR. Umabot sa P1.14 trillion ang four-month collection nito ngayong taon, mula P1.11 trillion noong nakaraang taon.
Naghatid naman ang BOC ng P325.7 billion sa parehong period, mas mataas ng 6.41 percent mula P306.1 billion.
Ayon sa ulat, ang P192 billion non-tax revenue sa unang apat na buwan ay nagmula sa asset sale proceeds, dividend remittances mula sa government corporations, at fund restitution mula sa kontrobersyal na flood control projects ng nagdaang panahon. /Bistado


