Taga-Pasig ka ba at nangangarap maging abogado? Huwag nang lumayo pa dahil may itatayong School of Law sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig (PLP)
Ito ang bagong hakbang ng PLP at ng Pasig City para buksan ang abogasya sa mas maraming karapat-dapat na estudyante, lalo na sa mga Pasigueño at sa mga mula sa pamilyang nangangailangan.
Pormal nang nagsimula ang pagtatatag ng PLP School of Law, isang law school na itatayo sa prinsipyo ng integridad, paglilingkod-bayan, mabuting pamamahala, at transformative justice.
Sa meeting ng PLP Board of Regents noong May 20, pormal na tinanggap ni Dean Raul Pangalangan ang paanyaya ni Pasig City Mayor at Chair ng PLP Board of Regents Vico Sotto para magsilbing founding dean ng PLP School of Law.
Hindi ordinaryong pangalan si Pangalangan sa larangan ng batas. Dati siyang hukom ng International Criminal Court sa The Hague at dating Dean ng University of the Philippines College of Law.
Isa rin siyang Pasigueño mula pa noong dekada ’60.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Pangalangan na umaasa siyang makatulong sa pagtatatag ng isang law school na magsisilbing “beacon of hope” sa panahong maraming hamon ang kinakaharap ng bansa.
Makakasama niya sa pamumuno ng PLP School of Law si Atty. Peter John Javier bilang incoming Vice Dean for Academics. Kasama rin si Atty. Josephine Lati-Bagaoisan, Chair ng Technical Working Group para sa pagtatatag ng School of Law, na magsisilbing Acting Vice Dean for Administration.
Kapwa taal na Pasigueño sina Javier at Lati-Bagaoisan.
Ayon sa PLP, mahalagang patunay ito na ang pangarap para sa law school ay nagmumula at nakaugat mismo sa komunidad na nais nitong paglingkuran.
Layunin ng PLP School of Law na mabigyan ng pagkakataon ang mga karapat-dapat na mag-aaral na makapag-aral ng abogasya at maging abogado. /Bistado


