Tulad noong nakaraang conference, nakuha ng Macau ang una nitong panalo sa PBA Governors’ Cup laban sa Titan Ultra matapos itong manaig, 132-126, sa Ynares Center sa Antipolo noong Sabado.
Nangibabaw si De’Vondre Perry sa naitalang 32 puntos at 22 rebounds at dinala ang Giant Pandas sa kartada 1-4 sa Group A, tabla sa Giant Risers.
Malaki rin ang naitulong nina Ramon Cao, Jenning Leung, Kobey Lam, at Damien Chongqui upang mabawi ng Giant Pandas ang maagang 19 puntos na pagkaka-iwan.
Ang unang panalo ng Macau sa una nitong paglahok bilang guest team sa nakaraang Commissioner’s Cup ay laban din sa Titan, 119-107, noong Abril 21.
“We were just able to piece it together today. But we started off badly too. Our first half was not acceptable. They just outplayed us,” ani Macau coach Marcus Elliott.
“My speech at halftime was, ‘Hey, man, get your head out of your behind and come out and play hard. They’re just outhustling us, but we were able to put it together.”
Nagtala rin si Cao ng double-double sa kanyang 28 puntos at 13 rebounds.
Si Leung, na unang beses pa lamang naglaro sa conference na ito, ay hindi nakapuntos sa unang hati ng laro sa tatlo lamang niyang tira. Gayunman, uminit ang kanyang opensa sa ikalawang kalahati upang tapusin ang laro na may 22 puntos.
“Jenning is a great team player, always has a great attitude. He was being too passive in the first half. It’s like he came in, he didn’t want to step on any toes and I basically just had to tell him, ‘Stop being too nice. We need you to put your foot on the pedal, be aggressive, look for yours,’” ani Elliott.
Nagtapos si Chongqui na may 19 puntos at anim na assists, habang umiskor din si Lam ng 19 puntos, kabilang ang 10 sa third period na tumulong sa Macau na mabura ang 51-67 na pagkaka-iwan sa halftime at maagaw ang 95-94 papunta sa fourth quarter.
Pinakamainit si Leung sa unang limang minuto ng fourth period, kung saan umiskor siya ng 14 sa kanyang kabuuang puntos upang bigyan ng 114-107 kalamangan ang Macau, bago muling maagaw ng Titan ang abante sa iskor na 120-119.
Mula roon, si Cao naman ang nanguna sa opensiba ng Giant Pandas.
Pinangunahan ni Tirrell Brown ang Giant Risers sa kanyang 30 puntos at 14 rebounds, matapos silang makapagtayo ng maagang 30-11 kalamangan.
Nag-ambag si Joshua Munzon ng 19 puntos.
Nagtala si Fran Yu ng 17 puntos, bukod pa sa bagong career-high na 14 assists, na franchise record din at tumabla sa season-high ni NLEX guard Robert Bolick noong nakaraang Commissioner’s Cup.
The scores:
First Game
MACAU 132 – Perry 32, Cao 28, Leung 22, Chongqui 19, Lam 19, Ma 10, Liu 2, Chao 0, Lu 0.
TITAN 126 – Brown 30, Munzon 19, Yu 17, Balanza 14, Javillonar 12, Ular 10, Sajonia 8, Dionisio 5, Pessumal 5, Sumang 2, Omega 2, Caralipio 2.
Quarters: 19-35; 51-67; 95-94; 132-126


