Lumobo nang mahigit doble sa ₱1.83 bilyon ang net loss ng ABS-CBN Corp. sa unang anim na buwan ng 2026 mula ₱852 milyon noong nakaraang taon, matapos humina ang advertising income at kabuuang revenue ng grupo.
Bumagsak nang 17 porsiyento sa ₱6.88 bilyon ang consolidated revenue. Nabawasan naman nang 5 porsiyento o ₱482 milyon ang operating expenses, na bumaba sa ₱8.46 bilyon.
Ipinakikita ng resulta ang patuloy na financial pressure sa ABS-CBN habang binubuo nitong muli ang negosyo matapos mawalan ng broadcast franchise. Mas nakadepende na ngayon ang kompanya sa content production, digital platforms, consumer sales at partnerships.
Kumita ng ₱5.76 bilyon ang Content Production and Distribution business, mas mababa nang 9 porsiyento kumpara sa unang kalahati ng 2025.
Mataas ang naging comparison base dahil nakinabang ang kompanya noong nakaraang taon sa political advertising kaugnay ng halalan, sold-out concert ng BINI sa Philippine Arena at malakas na box-office performance ng “My Love Will Make You Disappear.”
May ilang senyales naman ng pagbuti sa core content business. Kapag hindi isinama ang political advertising at one-time items sa dalawang panahon, bumuti nang 1 porsiyento ang recurring net loss ng segment. Tumaas din nang 2 porsiyento ang recurring earnings before interest, taxes, depreciation and amortization (EBITDA).
Nakatulong ang mas mataas na consumer sales at paglago ng international syndication at co-productions upang mabawasan ang epekto ng mahinang advertising revenue.
Umaasa ang ABS-CBN sa mas malakas na performance sa ikalawang kalahati ng taon. Inilabas ng Star Cinema ang “Tayo Sa Wakas” noong May, habang inilunsad ng BINI ang world tour nito noong June matapos lumahok sa Coachella Valley Music and Arts Festival noong April.
Magpapatuloy ang tour sa second half ng taon, habang nakapila pa ang iba pang pelikula at live events na inaasahang magpapataas sa revenue.
Gayunman, nananatiling hamon sa ABS-CBN ang pagkita mula sa audiences sa gitna ng pabago-bagong advertising market at mataas na gastos sa content. Karamihan sa pagbaba ng group revenue ay nagmula sa Cable TV and Broadband business. /Bistado


