Todo-arangkada ang BYD sa pagpapalawak ng operasyon nito sa Pilipinas kasabay ng patuloy na paglakas ng demand para sa electric vehicles (EVs) at new energy vehicles (NEVs).
Binigyang-diin ng pagbisita noong nakaraang buwan ni BYD Chairman at President Wang Chuanfu ang lumalaking atensiyon ng Chinese automaker sa local market, na itinuturing nitong isa sa pinakamabilis umunlad na EV markets sa rehiyon.
“The Philippines has become one of the most exciting and promising markets for New Energy Vehicles in the region,” pahayag ni Wang.
Binanggit niya ang lumalakas na electrification drive sa bansa at ang mga hakbang ng local partner na ACMobility upang suportahan ang mga customer.
Sa kanyang pagbisita, inikot ni Wang ang mga BYD dealership, DENZA showroom sa Alabang at Cebu, at ACMobility Charging Hubs upang makita ang kalagayan ng local market at paglawak ng EV infrastructure.
Nakipagpulong din siya sa mga empleyado, dealer at business partner habang kumukuha ang BYD ng impormasyon para sa mga susunod nitong growth plan sa bansa.
Dumating ang pagbisita kasabay ng patuloy na pagtaas ng demand para sa electrified vehicles. Umabot sa 22.3 porsiyento ng kabuuang bagong sasakyang naibenta sa Pilipinas noong June ang mga NEV—palatandaang hindi na lamang early adopters ang nahihikayat sa naturang teknolohiya.
Pinalawak na rin ng BYD sa 81 ang bilang ng mga dealership nito sa buong bansa. Mayroon namang apat na dealership ang premium brand nitong DENZA.
Inaasahang makatutulong ang mas malawak na network upang maabot ng kompanya ang mas maraming customer at mapatatag ang puwesto nito sa lumalagong local EV market.
Nakatuon ang expansion strategy ng BYD sa pagdaragdag ng available na sasakyan, pagpapalawak ng retail network at charging infrastructure, at pagpapahusay ng customer support.
Habang dumarami ang mga automaker na pumapasok sa Philippine EV market, inaasahang iinit pa ang kompetisyon—na maaaring magbigay sa consumers ng mas maraming pagpipilian at magpabilis sa pagbuo ng infrastructure na kailangan para sa mas malawak na EV adoption. /Bistado


