Binawi ng Lopez, Inc. ang February 27 resolution na nag-aalis kay Federico “Piki” Lopez bilang president at chief executive officer, habang lumalalim ang corporate at family dispute sa Lopez group.
Ayon sa Lopez majority bloc, na kumokontrol sa 71 percent ng holding company, layunin ng withdrawal na magbukas ng “window for discussions” sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya.
“The withdrawal presents an opportunity for the whole family to step back, reconsider their adversarial positions, and look for options that are least injurious to the family, the Lopez group, and the investing public,” saad ng statement.
Dumating ang hakbang habang umaakyat sa Court of Appeals ang legal battle kaugnay ng lifting ng injunction na nakatali sa boardroom conflict.
Nauna nang inalis ng Lopez majority si Piki Lopez sa 5-2 board vote dahil umano sa loss of trust and confidence. Ayon sa majority, nagpasok umano siya ng P125-billion transactions sa pamamagitan ng First Gen nang walang authorization mula sa controlling bloc.
Inakusahan din siya ng pag-apruba ng “poison pill” provisions na maaaring maglantad sa Lopez group at First Gen shareholders sa hanggang P24 billion penalties kung aalisin siya sa puwesto, kasama ang cross-default loan clauses na nakatali sa kanyang posisyon.
Hindi pa nito nireresolba ang ugat ng sigalot, pero maaari nitong bawasan ang immediate concerns sa prolonged instability sa Lopez business empire. Nananatili pa rin ang tanong kung paano aayusin ang governance issues, succession tensions, at shareholder interests.
Ayon sa Lopez majority, bukas ito sa “ceasefire,” pero handa rin itong paigtingin ang hakbang para protektahan ang legal at financial interests nito kung mabigo ang compromise.
Sa panig ni Piki Lopez, tinitingnan niya ang hakbang bilang posibleng unang hakbang para maresolba ang mga isyung naghahati sa pamilya.
Ayon sa kanyang statement, umaasa siya na susundan ito ng “genuine, positive and concrete efforts leading to an amicable, fair and lasting resolution of the rift within Lopez Inc.”
Umaasa rin si Piki Lopez na titigil ang misinformation na nakapipinsala sa Lopez Group.
Sa pagtalakay ng mga solusyon, sinabi sa statement na patuloy niyang gagampanan ang fiduciary duties sa lahat ng shareholders ng Lopez Group companies at mananatili siyang “responsible steward” ng mga negosyo, lalo na ang First Philippine Holdings, Inc. at First Gen Corporation.
Binanggit ng panig ni Piki na bahagi ng kanyang fiduciary duties ang pagsuporta sa agreements sa Prime Infra Group. Ayon sa statement, ang First Gen board of directors, na may sariling governance at fiduciary obligations hiwalay sa Lopez Inc., at kinabibilangan ni Manuel “Beaver” Lopez Jr., KKR representative, at all independent directors, ay unanimously approved ang nasabing transactions.
“It is essential to recognize that, as a vote of confidence in Piki Lopez, the Prime Infra Group requested the Change of Management Control provisions in their agreements,” saad ng statement.
Ayon din dito, nagpakita ng vote of confidence ang BDO Unibank sa pamamagitan ng standby letters of credit na nakadepende sa continued and active involvement ni Piki Lopez sa FPH group.
Inaasahan din ng panig ni Piki na sasagutin ng kabilang panig ang unresolved questions tungkol sa ABS-CBN para makapagtakda ang media firm ng recovery path at maprotektahan ang family legacy, investors, at employees.
Lopez, Inc. ang parent firm ng ABS-CBN. /Bistado


