Mukhang wala namang gaanong epekto kay Kylie Padilla ang mga negatibong balita at bashing sa kanyang amang si Senador Robin Padilla, dahil kung pagbabasehan ang feedback ng latest action-drama series na kanyang pinagbibidahan sa GMA 7, mataas ang ratings nito at maayos naman ang reception ng televiewers.
Sa ‘Task Force Firewall,” muling ipinamalas ni Kylie ang husay niya hindi lang sa drama kundi maging sa mga action scenes na required niyang gawin dala ng role na kanyang ginagampanan.
Patuloy ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa bagong tech-driven action-drama series at ikinalulugod ni Kylie na mayroon silang mature audience na kayang ihiwalay ang mga pananaw nila sa pulitika at sa mga napapanood nilang eksena sa series.
Ayon nga kay Kapuso actress Kylie Padilla, lagi nilang napag-uusapan ng cast ang magandang feedback na natatanggap ng show.
Aniya pa, kahit daw malakas ang pagkontra ng karamihan sa mga gawain ng ama sa Senado, never daw na ipinadama sa kanya ng audience na idamay siya o kastiguhin by not watching the show.
“Sobrang saya namin. Every episode, nag-uusap kami doon and we congratulate each other kasi kita ko ‘yung hardwork ng lahat,” bahagi ng aktres.
Ipinagmamalaki rin daw niya ang magandang collaboration ng cast, staff, at production team ng serye.
“Kita ko ‘yung pagod ng lahat so para makita namin na nag-reflect siya sa ratings and sa reaction ng mga tao, sobrang nakakatuwa at nakakataba ng puso,” kuwento pa ni Kylie.
Excited naman daw siyang mas makilala pa ng mga manonood ang character.
Gumaganap siya sa serye bilang Isa, law enforcement agent at leader ng cybercrime division.
“Ibang Kylie ‘yung makikita nila. Siyempre, it’s a different character pero talagang trinabaho ko ‘yun– kung paano siya magsalita, kung paano siya kumilos. Happy ako na napapansin ng mga tao ‘yun,” lahad niya.
Patuloy na tumutok sa Taskforce Firewall, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Prime! May second telecast ito sa GTV tuwing 10:30 p.m. at mapapanood din sa GMA Play.
I-download ang GMA Play sa Apple App Store at Google Play. Available rin ito sa GMANetwork.com/GMAPlay at sa mga Android TV.


