Maikli ngunit madiin ang pangako ng dayuhang coach ng Philippine archery team bago ang 20th Asian Games sa Japan.
“If I don’t get a medal in the Asian Games, I will just go back to Korea and leave you. I have never lost a medal in a tournament,” ani coach Ryu Su Jeng sa isang briefing noong Setyembre.
Inasahan ng mga miyembro na ordinaryong briefing lamang ang mangyayari. Ipinakita ni Ryu ang mga larawan ng venue na Okazaki Chuo Sogo Park Multipurpose Square sa Aichi Prefecture at ipinaliwanag sa kanila ang bawat detalye.
Pagkatapos ay binitawan ang mga salitang nagpatahimik sa lahat.
Para kay Amaya Amparo Paz-Cojuangco, nagsilbing dagdag-lakas ang hamon at pangako ni Ryu.
Tumugon ang beterana at nakasungkit ng silver medal sa women’s individual compound — ang unang podium finish ng Pilipinas sa archery sa Asian Games mula noong 2014 nang manalo si Paul Dela Cruz ng bronze.
Dikit ang panalo ni Nurisa Dian Ashrifah ng Indonesia kontra Cojuangco, 137-139, sa finals.
Tinalo ni Cojuangco si Bita Asheghzadeh Oskouei ng Iran, 146-135, sa quarterfinals, at ang kababayan ng kanyang mga coach, si Park Jungyoon, 142-141, sa semifinals.
Ang medalya ay bunga ng halos isang dekadang programa at ng Korean coaching na ipinatupad ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Bringing coach Ryu into the national archery program stands as one of our most decisive and transformative moves, and the Asian Games performance has emphatically affirmed that,” ani PSC Chairman Patrick Gregorio.
Katulong si Ryu ng makamit ng South Korea ang limang Olympic gold medals — dalawa sa Rio de Janeiro 2016 at tatlo sa Tokyo 2020.
Nang dalhin ni Gregorio sina Ryu at kapwa Korean coach na si Hong Sung Chil sa Maynila, nanatili ang duda kung kaya nilang baguhin ang kapalaran ng Philippine team.
Malinaw na ang sagot dahil sa medalya ng 40-anyos na si Cojuangco.
“If you want the best results, you should hire and bring the best coaches on the planet. This is exactly the mindset we had when we hired coaches Ryu and Hong,” ani Gregorio.
Agad na nakita ang kanilang epekto — disiplina at paghahangad ng kahusayan na nagpaangat sa buong national pool.
“We’re thankful to the PSC and Chairman Pato for bringing coaches Ryu and Hong. It is different if you have a coach who has a champion mindset, someone who knows how to push the team,” ani World Archery Philippines president Bing Reaport.
Malinaw na ngayon ang susunod na misyon: makapag-qualify ng Filipino mixed compound team para sa 2028 Los Angeles Olympics.
Handa na si Ryu sa kanyang mga plano.
Makakapareha ni Cojuangco si Mateusz Vaughn Johnson, ang 18-anyos mula sa Davao City na nagpasabog tatlong buwan na ang nakalipas, matapos walisin ang tatlong individual gold medals at ang U18 Compound Men’s Championship sa Singapore Youth Archery Championships.
Upang makarating sa Los Angeles, magsisimula ang qualifier sa Shanghai, China kung saan bubuksan ang Hyundai Archery World Cup sa kalagitnaan ng Abril 2027.
Mula roon, tutungo ang team sa Antalya, Turkey sa unang bahagi ng Mayo, bago tumawid sa Pacific patungo sa Tijuana, Mexico sa Hunyo at sa Madrid, Espanya sa Hulyo.
“Hopefully we can make it to LA. We will try to qualify either through the Olympic qualifiers or ranking points through these tournaments,” ani Cojuangco.


