Bumaba ang kita ng Nickel Asia Corp. noong first quarter bunsod ng pagtama sa kumpanya ng mas mahinang shipment volumes at global volatility, pero nananatiling kumpiyansa ang listed mining firm dahil sa gumagandang nickel market fundamentals at lumalawak na negosyo nito sa ibang natural resources.
Ayon sa kumpanya, bumaba ng 26 percent ang attributable net income nito sa P371.8 million sa quarter. Ang earnings before interest, taxes, depreciation, and amortization o EBITDA naman ay bumaba sa P1.35 billion mula P1.55 billion noong nakaraang taon.
Nilinaw ng Nickel Asia na kasama sa resulta noong nakaraang taon ang one-off gain mula sa pagbenta ng stake nito sa Coral Bay Nickel Corp., kaya mas mataas ang basehan ng comparison.
Sa kabila nito, sinabi ng management na nagbabago ang takbo ng nickel market. Tinukoy ni Nickel Asia president and chief executive officer Martin Antonio G. Zamora ang developments sa Indonesia, mas mahigpit na production quotas, at tumataas na input costs bilang mga salik na nagpapaganda sa outlook ng nickel.
“We are seeing a shift in nickel market fundamentals, driven by developments in Indonesia, tighter production quotas, and rising input costs. These are reinforcing a more constructive outlook for nickel,” ani Zamora.
Dagdag niya, kahit may near-term macro pressures, nananatiling tiwala ang kumpanya sa mas malakas na performance ngayong taon.
Umakyat naman ng 3 percent ang mining revenues sa P2.42 billion. Tinulungan ito ng 10 percent increase sa realized ore prices sa $18.03 per wet metric ton, kahit bumaba ng 9 percent ang shipment volumes.
Pero hindi na nickel lang ang tinatakbo ng kumpanya. Noong April, lumagda ang Nickel Asia ng kasunduan para bumili ng 20 percent stake sa East Copper Production LLP sa Kazakhstan. Ito ang strategic entry ng kumpanya sa copper assets sa Central Asian Copper Belt.
Pinapalakas din ng Nickel Asia ang clean energy arm nitong Emerging Power, Inc. Umakyat ng 130 percent ang EBITDA nito sa P267 million matapos lumawak ang renewable capacity sa 293 megawatt-peak. Tumaas din ng 63 percent year-on-year ang power generation, na hinatak ng bagong solar capacity sa Leyte.
Ayon kay Zamora, malinaw na ang direksyon ng kumpanya: mas diversified, mas regional, at hindi na nakatali sa iisang commodity.
“These milestones reflect our continued transformation into a diversified, regional natural resources development company,” sabi niya.
Sa kabila ng pressure sa first-quarter earnings, sinabi ng Nickel Asia na inaasahang susuporta sa mas magandang full-year performance ang mas malakas na mining output sa second quarter at mas matibay na pricing conditions. /Bistado


