Nakuha ni Marie June Adriano ang ikalawang medalya ng karate at ikalimang medalya ng Pilipinas sa kabuuan sa Aichi-Nagoya Asian Games, matapos masungkit ang bronze sa women’s kumite -50kg nitong Miyerkules.
Dinaig ng 22-anyos, na unang beses lumahok sa Asian Games, si Ya-chi Chung ng Chinese Taipei, 10-3, sa Toyohashi City.
Nakabawi na rin ang estudyante ng Human Kinetics mula sa Polytechnic University of the Philippines, na natalo kay Chung sa unang dalawa nilang paghaharap.
Kwento ni Adriano, na tubong Llanera, Nueva Ecija, masusi nyang pinag-aralan ang mga nakaraan nilang laban.
Iniuugnay niya ang kanyang pagiging kalmado sa pagtitiwala sa kanyang training, tiwala sa kanyang technique at pagsunod sa payo ng kanyang coach na maghintay ng pagkakataong umatake.
“I just trusted my technique, what I prepared and what I trained for this competition,” ani Adriano. “This is ours. I just needed to put in the work.”
Kabilang sa kanyang landas patungo sa podium ang mga panalo sa preliminary round laban kay Srey Phea Chonn ng Cambodia (4-3) at Yang Yewon ng South Korea (4-0).
Nagtamo siya ng 4-5 pagkatalo kay Tsang Yee Ting ng Hong Kong sa semifinals.
“It’s a huge deal for me. As a first-timer, the pressure was really there,” ani Adriano. “I’m so happy I was chosen and that I could bring home a medal for the Philippines.”
Isang araw bago nito, nakakuha rin ng bronze medal ang women’s kata team na binubuo nina Rebecca Cyril Torres, Samantha Emmanuelle Veguillas at Ysabielle Arrogante.
“A promise kept and a nation made proud!” pahayag ni Karate Pilipinas president at chef de mission Richard Lim tungkol sa tagumpay ni Adriano.
Ang iba pang medalya ng Pilipinas ay mula kina Jean Claude Saclag ng mixed martial arts (silver), women’s soft tennis team (bronze) at Carlos Alvarez ng mixed martial arts (bronze).
Sa update alas-9 ng gabi, nangunguna pa rin ang China sa medal tally na may 48-20-10 gold-silver-bronze, na sinundan ng host country (15-25-27), South Korea (8-8-25), Kazakhstan (7-4-8) at Thailand (5-3-4).
May tig-tatlong gold medal ang Hong Kong, Iran at Malaysia; tig-dalawa naman ang North Korea at Kuwait; habang tig-iisa ang Singapore, Myanmar at Vietnam.
Dalawa pang bansa sa Southeast Asia ang nasa medal tally na may bronze medals — Cambodia (4) at Brunei (1).


