Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Kababaihang negosyante malaki ang ambag, kulang ang suporta para umangat

Malaki ang ambag ng mga Filipina entrepreneur sa ekonomiya ng Pilipinas, karamihan ay mga ina na sabay ginagampanan ang negosyo at pamilya, dahil hawak nila ang 66 percent ng umiiral na mga negosyo, at 62 percent ng mga bagong rehistradong enterprise sa bansa. 

Sa kabila nito, nananatiling mabagal ang paglago ng maraming women-led micro, small, and medium enterprises (MSMEs). Ilan sa mga suliraning kanilang hinaharap ay ang limitadong access sa pondo, mababang digital adoption, at patuloy na hamon ng pagbabalanse ng negosyo at responsibilidad sa tahanan, mga pangunahing balakid sa pag-scale ng kanilang mga negosyo.

Sa idinaos na 4th Gawad Madiskarte, iginiit ng mga lider mula sa gobyerno at development groups na hindi sapat ang resiliency lamang. Binigyang diin nila ang pangangailangan ng mas matibay at mas koordinadong support systems para matulungan ang kababaihan na palawakin ang kanilang mga negosyo at makapasok sa mas pormal na ekonomiya.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pag lipat ng maliliit na negosyo mula informal patungong formal operations. Tinukoy niya ang mga programang tulad ng “Pangkabuhayang QC,” na nagbibigay ng financial aid at mentorship. 

Idinagdag niya na kritikal din ang mga serbisyong tulad ng childcare para makapagpokus ang mga ina sa paglago ng kanilang negosyo.

Sinabi ni UN Women Philippines representative Rosalyn Mesina na ang pagsuporta sa women entrepreneurs ay isang matalinong hakbang sa ekonomiya. Gayunman, binigyang diin niya na marami pa rin ang hindi naaabot ng sapat na tulong at nanawagan ng mga polisiya na mas kumikilala at nagpoprotekta sa kababaihan sa negosyo.

Binigyang diin naman ni Philippine Commission on Women chairperson Ermelita Valdeavilla ang kahalagahan ng digital skills. Tinukoy niya ang programang Elevate AIDA, na nagsasanay sa mga kababaihan sa artificial intelligence at data related work, lalo na para sa mga nagtatrabaho mula sa bahay.

Patuloy ding tumutulong ang PLDT Home’s Madiskarte Moms PH o MMPH, na may mahigit 228,000 miyembro. Nagbibigay ito ng training, mentorship, at community programs, at kinikilala ang mga matagumpay na mompreneur sa taunang Gawad Madiskarte awards.

Ayon kay PLDT executive Menardo “Butch” Jimenez Jr., ang entrepreneurship ay hindi lang tungkol sa benta kundi sa pagbuo ng suporta para mapalago ang negosyo at malampasan ang mga pagsubok.

Mula sa home-based ventures hanggang online businesses, patuloy ang mga Filipina mother sa pagtatayo ng kabuhayang nagbubuhay sa pamilya at komunidad. Ayon sa mga eksperto, ang pag-unlock ng buong potensyal nila ay nangangailangan ng mas mahigpit na pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at mga komunidad.  /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles