Nagsorry si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla matapos arestuhin ang isang construction worker sa Addition Hills, Mandaluyong City dahil sa paglabag sa ordinansa laban sa paglabas nang walang damit pang-itaas, kahit na sa aktwal ay nagtatrabaho siya at naghahalo ng semento.
Naganap ang insidente sa gitna ng pagpapatupad ng “Safer Cities” initiative ng DILG, kung saan pinaigting ang enforcement ng mga lokal na ordinansa sa Metro Manila. Kabilang dito ang pagbabawal sa public drinking, curfew violations, anti-noise rules, at paglabag sa dress-related ordinances tulad ng “no shirt” policy.
Sa isang press briefing, kinilala ni Remulla na may mga problema sa implementasyon ng programa sa ground level. Aniya, may mga kaso ng maling interpretasyon ng mga patakaran, kaya kailangan itong ayusin.
Sinabi niyang magpapatuloy ang programa ngunit daraan sa refinement para maging malinaw ang guidelines at pare-pareho ang pagpapatupad. Aniya, magkakaroon ng full assessment sa katapusan ng Abril para suriin ang epekto ng programa at ihambing ang crime trends.
Kasabay nito, nagpaabot siya ng paumanhin sa mga naapektuhan ng mga unang enforcement actions at tiniyak na magkakaroon ng pagbabago para maiwasan ang katulad na insidente.
Sa kabila ng kontrobersiya, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 61,549 kaso ang naitala mula Abril 6 hanggang Abril 11 sa ilalim ng Safer Metro Manila Plan.
Pinakamarami ang kaso ng pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar na umabot sa 18,904. Sinundan ito ng 5,894 kaso ng paglabag sa “no shirt” policy, 5,232 kaso ng curfew violations ng menor de edad, at 1,276 kaso ng paglabag sa karaoke hours. Umabot naman sa 30,243 ang iba pang paglabag sa ordinansa.
Sa disposition ng mga kaso, 39,205 indibidwal ang pinagsabihan o pinakawalan, 21,317 ang pinagmulta, at 1,027 ang sinampahan ng kaso sa korte.
Ayon kay PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr., “Malinaw na kapag tuloy-tuloy ang presensya ng pulis at maayos ang koordinasyon sa LGU at barangay, mas nagiging maayos ang sitwasyon sa komunidad.” Dagdag pa niya, “Ang gusto natin, habang tumatagal, mas bumababa ang bilang dahil mas sumusunod na ang mga tao.”
Ngunit mariing tinutulan ng grupong Karapatan ang “Safer Cities” initiative. “Let us be clear: this is not about safety. This is a crackdown on the poor, plain and simple,” giit ni Karapatan Secretary General Cristina Palabay.
Dagdag pa niya, “While the government projects an image of order, it is the poor who are already struggling to survive amid soaring prices and deepening economic crisis, who are once again being targeted.”
Tinawag din ng grupo ang kampanya bilang “misdirected, excessive, and ultimately oppressive” at “an extremely performative campaign meant to create the illusion that authorities are in control.”
“Instead of going after corrupt officials and large-scale plunderers, the government once again turns its force on ordinary people,” ani Palabay.
Dagdag pa niya, “You cannot police away poverty. You cannot arrest your way out of a crisis driven by skyrocketing prices and inequality.”
Sa kabila ng kritisismo, nagpapatuloy ang operasyon habang inaayos ang implementasyon ng nasabing programa. /Bistado


