May panibagong dagdag-sahod ang mga manggagawa sa Central Luzon simula Abril 16, kung kailan ipapatupad ang ikalawang tranche ng Wage Order No. RBIII-26 ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board III (RTWPB-3).
Sa ilalim ng ikalawang tranche, madaragdagan ng P30 hanggang P40 ang kasalukuyang minimum wage ng mga empleyado sa pribadong sektor sa Region 3.
Matatandaan na ang kabuuang umento sa wage order ay P50 hanggang P80, na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang tranche na P20 hanggang P40 ay ipinatupad noong Oktubre 30, 2025.
Sa bagong wage rates, magiging P600 na mula P570 ang minimum wage sa non-agriculture sector sa Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales. Sa agriculture sector, tataas ito mula P540 hanggang P570, habang sa retail at service sector ay magiging P590 mula P560.
Sa Aurora, magiging P560 mula P530 ang sahod sa non-agriculture sector, at P545 mula P515 sa agriculture sector. Sa retail at service sector, tataas ito mula P475 hanggang P515.
Ayon kay RTWPB-3 Board Secretary VI Kenneth Liza, kinikilala ng Board ang sitwasyon ng mga manggagawa at negosyo.
“The Board recognizes the day-to-day realities now being faced by our workers, as well as the operational pressures on enterprises. This calibrated increase is in a way reassuring that support is extended on both sides, to protect jobs and sustain business operations,” ani Liza. /Bistado


