Balik Philippine Basketball Association (PBA) si Jimmy Alapag at magiging coach NLEX sa pagbubukas ng Governors’ Cup sa Hulyo 10.
Pumirma si Alapag sa MVP Group of Companies nitong Lunes sa presensya mismo ni chairman Manny V. Pangilinan.
Tunay na pagbabalik ito sa kampo ni Pangilinan dahil naglaro ng 13 taon si Alapag sa Talk ‘N Text at Meralco, mga koponan ng MVP Group.
Ang 48-anyos na dating Most Valuable Player (2011) at isa sa 50 Greatest Players ng PBA ay nagbalik sa bansa matapos ang anim na taong pananatili sa Estados Unidos.
Agad na tinanggap ni Alapag, na tinaguriang “Mighty Mouse” sa PBA kung saan sya nagretiro noong 2016, ang hamon na ibangon ang prangkisa ng NLEX.
Papalitan niya si Jong Uichico bilang head coach ng Road Warriors.
Sa nakaraang Commissioner’s Cup, nanguna ng NLEX sa pagtatapos ng elimination round ngunit hindi umabot sa semifinals matapos matalo sa sister team na TNT sa quarterfinals.
Bukod kay Pangilinan, kasama sa pirmahan sina NLEX president Luis Renon at kasalukuyang team governor na si Ronald Dulatre.
Umalis ng bansa ang Fil-Am guard noong 2020 kasama ang buong pamilya sa pag-asang makakuha ng coaching job sa National Basketball Association (NBA).
Naging bahagi siya ng Sacramento Kings franchise, kung saan una siyang nagsilbi bilang miyembro ng coaching staff ng Stockton Kings na lumahok sa NBA Summer League.
Noong 2023, na-promote siya bilang player development coach ng Kings sa NBA, isang posisyong hinawakan niya hanggang sa katatapos lamang na season.
Nagkampeon ng anim na beses si Alapag sa PBA, na pawang napanalunan niya kasama ang TNT franchise na pumili sa kanya bilang 10th overall sa 2003 draft.
Sya ay naging Rookie of the Year (2003), Best Player of the Conference (2011 Commissioner’s), dalawang beses na Finals MVP (2011 Philippine at Commissioner’s), tatlong beses na miyembro ng First Mythical Team (2003, 2005, 2011) at 11 beses na PBA All-Star.
Nagkaroon din siya ng pagkakataon maging myembro at team captain ng Gilas Pilipinas, kabilang noong naging runner-up sa magkasunod sa 2013 at 2015 Asian Cup, at nagwagi ng ginto sa 2015 (Singapore) at 2017 (Malaysia) Southeast Asian Games.
Matapos magretiro bilang manlalaro, tumuon siya sa coaching at pinangunahan ang Alab Pilipinas sa pagkapanalo ng kampeonato sa 2017 ASEAN Basketball League.
Naging bahagi rin siya ng coaching staff ng Meralco at San Miguel bago nagtungo sa Estados Unidos.


