Habang sinusulat namin ito ay patuloy na dinidinig ang usapin ng It’s Showtime issue ngayong July 29, sa tanggapan ng MTRCB, o Movie and Television Review and Classification Board.
Sa ipinadalang ‘summon’ ng MTRCB sa mga networks ng ABS-CBN at GMA 7 kung saan ipinapalabas ang It’s Showtime, ngayon ang itinakdang araw para magsumite ng kaukulang paliwanag ang mga namamahala sa naturang show.
Matatandaang nag-ugat ang isyu sa isang portion ng show kung saan may mga netizen at televiewers na na-offend at nagreklamo sa MTRCB ng sinasabi nilang ‘colorist at racist remark’ ng main host nitong si meme Vice Ganda. Kasama pa rito ang sinasabi ng netizen na “lugaw’ scene nina Vice at asawa nitong si Ion Perez, na isa rin sa mga mainstays ng show.


Ayon sa reklamong nakarating sa upisina ng MTRCB, ang kontrobersiya ay nangyari sa “Memerimar’ skit ng Laro-Laro Pick segment kung saan ang isang miyembro ng Baby Dolls ay nakatanggap ng ‘colorist at racist remark’ kay Vice Ganda.
Sa isang bahagi ng skit ay tinuran ni Vice ang mga katagang ‘bakit ka nagpuputik?’ pagkatapos din nitong sabuyan ng tubig ang naturang Baby Dolls member na si Johaira Moris, a woman of color.
Dagdag pa sa reklamo ang ‘lugaw scene’ sa parehong skit na tampok naman sina Ion at Vice.
Base sa mga reklamo, “inappropriate, racially insensitive at colorist” ang naging sangkap ng pagpapatawa at komento sa naturang episode noong July 24.
Ayon naman sa MTRCB, tintingnan nila ang posibilidad ng pagkakaroon ng violations of Section 3(c) of Presidential Decree No. 1986 regarding public morals and good customs.
Despite na nakahingi ng public apology si Vice Ganda on that same day, inulan pa rin ng batikos ang show at mga sangkot na hosts nito, pati na ang production.
At dahil dumaan sa tamang protocol at proseso ang pagpapatawag ng MTRCB sa mga producers ng show dahil sa reklamong nakarating sa kanila mula sa mga concerned citizens at televiewers, nagkaroon sila ng sapat na batayan upang i-summon ang buong produksyon.
Sa mga lumabas na balita sinasabi ng MTRCB na nakatanggap ang kanilang ahensiya ng maraming ulat at reklamo mula sa mga concerned citizen tungkol sa episode at sa mga kilos at salita ng TV host at comedian na si Vice Ganda.
Dagdag pa ng ahensya na nais nilang malaman kung ang It’s Showtime ay tumupad sa provisions ng Section 3(c) ng Presidential Decree No. 1986 na ipinagbabawal ang pagpapalabas ng TV programs na ‘contrary to law, good customs, public order, public morals, or are otherwise objectionable.’”
Umaasa ang madlang pipol na bibigyan ng karampatang parusa ang programa kung mapapatunayan ngang ito’y nagkaroon ng violations sa mga itinakdang rules o laws ng ahensya.
Posible din umano na ang main host nitong si Vice Ganda ay patawan din ng parusa depende sa producers ng show.


