Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Inflation bahagyang bumagal sa 6.1% nitong August; presyo ng bigas humarurot sa 19.4%

Bahagyang bumagal sa 6.1 porsiyento ang inflation o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong Agosto 2026 mula sa 6.2 porsiyento noong Hulyo, ayon sa latest na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Gayunman, nanatili itong higit na mataas sa 1.5 porsiyentong inflation na naitala noong Agosto 2025. Umabot naman sa 5.2 porsiyento ang average inflation mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Pangunahing nagpabagal sa inflation ang food and non-alcoholic beverages, na bumaba sa 4.6 porsiyento mula 5.2 porsiyento noong Hulyo. Humina rin sa 7.9 porsiyento mula 8.2 porsiyento ang pagtaas sa housing, water, electricity, gas and other fuels.

Mas mabagal din ang inflation sa information and communication sa 1.0 porsiyento, recreation, sport and culture sa 5.1 porsiyento, at education services sa 1.7 porsiyento.

Kabaligtaran ang galaw ng transport inflation, na sumirit sa 13.5 porsiyento mula 11.9 porsiyento. Bumilis din ang pagtaas sa alcoholic beverages and tobacco, household equipment and maintenance, health, at personal care and miscellaneous goods and services.

Pinakamalaki ang ambag ng pagkain at non-alcoholic beverages sa kabuuang inflation—28.8 porsiyentong bahagi o 1.8 percentage points. Sumunod ang housing, tubig, kuryente, gas at iba pang fuel na may 26.6 porsiyentong bahagi o 1.6 percentage points, at transport na may 20.1 porsiyento o 1.2 percentage points.

Bumagal naman ang food inflation sa 4.6 porsiyento mula 5.3 porsiyento noong Hulyo. Malaking dahilan dito ang gulay, tubers, plantains, cooking bananas at pulses, na nagtala ng 3.4 porsiyentong pagbaba matapos ang 8.4 porsiyentong pagtaas noong nakaraang buwan.

Ngunit patuloy na kumagat sa bulsa ang bigas: bumilis ang rice inflation sa 19.4 porsiyento mula 17.1 porsiyento. Umakyat din ang inflation sa flour, bread, pasta at iba pang cereals sa 4.3 porsiyento, habang ang fruits and nuts ay nasa 5.8 porsiyento.

Bumagal naman ang pagtaas sa mais sa 18.2 porsiyento, isda at iba pang seafood sa 6.6 porsiyento, at oils and fats sa 6.7 porsiyento.

Ang core inflation, na hindi kasama ang piling pagkain at energy items, ay bahagyang bumaba sa 4.1 porsiyento mula 4.2 porsiyento.

Sa National Capital Region (NCR), bumagal ang inflation sa 4.1 porsiyento mula 4.4 porsiyento. Sa mga lugar sa labas ng NCR, bumaba ito sa 6.6 porsiyento mula 6.7 porsiyento.

Pinakamababa ang regional inflation sa Ilocos Region sa 4.6 porsiyento, habang pinakamataas sa Davao Region at Caraga—kapwa nasa 8.9 porsiyento. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles