Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

House leaders: Estate tax ipapa-overhaul para mapakinabangan ang mga nakatiwangwang na lupa

Suportado ng mga lider ng Kamara ang malawakang pagbabago sa estate tax system upang maalis ang mga balakid na pumipigil sa paggamit at pagpapaunlad ng mga minanang ari-arian.

Ayon kay House Committee on Ways and Means Chair Miro Quimbo ng Marikina City, dapat palawakin ang planong tax amnesty ng administrasyong Marcos at itaas sa minimum na P100 milyon ang estate tax exemption.

Paliwanag niya, maraming karaniwan at middle-class na pamilya ang hindi kayang bayaran ang estate tax, dahilan upang hindi mailipat sa mga tagapagmana at manatiling nakatengga nang ilang taon ang mga ari-arian.

“So facing today na wala kang nakokolekta, mas mabuti pa ‘yung ibigay mo na ’yan sa mga heredero. Sila din mismo ibebenta nila. Kasi wala namang may gusto diyan eh,” ani Quimbo sa press briefing nitong Martes.

Maaari pa ring kumita ang gobyerno sa capital gains tax kapag naibenta ang minanang ari-arian. Kasabay nito, mabibigyang-daan ang paglilipat, pagpapaunlad at produktibong paggamit ng lupa.

Iginiit ni Quimbo na dapat pangunahing ipataw ang estate tax sa mga lubhang mayayaman at hindi sa mga ordinaryong pamilya.

“Sa tingin ko, napapanahon na talagang itaas natin ang estate tax exemption to at least P100 million worth ng estate,” aniya.

Sang-ayon dito si Deputy Speaker Janette Garin ng Iloilo. Aniya, matagal nang nagpapahirap sa mga pamilya ang estate tax at nagiging dahilan upang manatiling walang pakinabang ang maraming lupain.

“Ang tawag namin doon, buwis ng pagkamatay. So tutok na lang tayo doon sa buwis ng mga nabubuhay,” ani Garin.

“If President Bongbong Marcos will provide the solution to this magiging malaking removal ng isang barikada na matagal na nagiging deterrent, hindi lamang sa mga may-ari ng lupa, sa kanilang mga heirs, [kundi pati] sa mga maliliit na negosyante, at sa pagpasok ng ibang investors,” dagdag niya.

Sa kanyang ikalimang State of the Nation Address nitong Lunes, hiniling ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na magpasa ng tax amnesty bilang bahagi ng mas malawak na reporma upang pagaanin ang pasanin ng mga taxpayer, hikayatin ang kusang pagsunod at suportahan ang paglago ng ekonomiya. /Bistado

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles