Idinetalye ng retiradong branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) nitong Miyerkules ang apat na cash withdrawal na tig-P125 milyon ng Office of the Vice President (OVP).
Bahagi ang kabuuang P500 milyon sa ebidensiya ng House prosecution sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte kaugnay ng umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds.
Kinilala ni Violeta Constantino, dating department manager ng LandBank Shaw Boulevard branch, ang apat na tsekeng nakapangalan kay OVP Special Disbursing Officer Gina F. Acosta.
“‘Yung apat na tseke po ito ay nakapangalan po kay Ms. Gina F. Acosta na may amount pong 125 million each,” ani Constantino sa direktang pagtatanong ni House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua.
Nagsilbi siyang branch manager mula Mayo 2017 hanggang magretiro noong Enero 2024 at personal umanong nangasiwa sa pag-encash ng apat na tseke.
“Pamilyar po ako dito kasi ako po ‘yung nag-oversee na encashment na ’to noong ako po ay branch manager po ng Shaw Boulevard Branch,” aniya.
Ayon sa prosekusyon, may petsang Disyembre 20, 2022; Enero 31, Abril 18 at Hulyo 13, 2023 ang mga tseke. Pinondohan ang mga ito ng National Treasury, inilipat sa OVP account at ini-encash ni Acosta noong Disyembre 20, 2022; Pebrero 6, Abril 25 at Hulyo 14, 2023.
Kinilala rin ni Constantino si Queenie Masangkay bilang liaison ng OVP cash division na nakikipag-ugnayan bago ang bawat transaksiyon.
“Bale siya po ‘yung liaison ng OVP from the cash division at siya rin po yung tumatawag po sa akin sa other banking needs po nila,” aniya.
Isa o dalawang araw bago ang bawat pag-encash, inaabisuhan umano ni Masangkay ang bangko upang maihanda ang pera dahil hindi karaniwang nagtatago ng gayong kalaking halaga ang sangay.
“Bale, meron po kasing cash-involved limit lang po ang branch. So, wala po kaming any given day na amount po for that amount po. Kaya kailangan po namin itong mag-request po sa aming cash center for assistance,” ani Constantino.
Kapag dumating ang pera, tinatawagan niya si Masangkay. Pupunta naman sa bangko para sa transaksiyon sina Acosta at OVP authorized signatory Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio.
Iniharap ng prosekusyon ang testimonya upang patunayan ang pagproseso at pag-encash ng apat na tsekeng nagkakahalaga ng P500 milyon ng OVP. /Bistado


