Pormal nang idineklara ng House Committee on Justice ang pagkakaroon ng probable cause sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang magkahiwalay na unanimous votes sa Saballa at Cabrera complaints.
Ayon sa tala, 53 miyembro ang pisikal na dumalo at nagkumpirma ng suporta sa bawat botohan, at walang tumutol. Inanunsyo ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang resulta: “The existence of probable cause has been declared.”
Dahil dito, nalampasan na ng mga reklamo ang probable cause stage at inaasahang iaakyat sa House plenary kapag nagbalik ang sesyon ng Kongreso.
Saklaw ng findings ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang high crimes. Sa mga pagdinig, tinalakay ang apat na pangunahing isyu: misuse of confidential funds, bribery, unexplained wealth, at threats at destabilization.
Sa confidential funds, inilahad ang testimonya ni Ramil Madriaga na umano’y P125 million ang nagastos sa loob ng wala pang 24 oras. Tinalakay rin ang Commission on Audit notices of disallowance, kabilang ang P73 million na naunang disallowance. Inilahad din na may mga resibo na tila iisang sulat-kamay ang gumawa, at may mga pangalan sa acknowledgment receipts na walang civil registry records ayon sa Philippine Statistics Authority.
Sa bribery, tinalakay ang mga alegasyon hinggil sa mga sobre na may laman na pera at testimonya mula sa Department of Education officials.
Sa unexplained wealth, ikinumpara ang P88.5 million na net worth sa SALN sa P6.77 billion na covered at suspicious transactions na iniulat ng Anti-Money Laundering Council na konektado sa kanya at sa kanyang asawa. Tinalakay rin na mula 2019 hanggang 2024 ay walang deklarasyon ng cash on hand o cash in bank sa kanyang SALNs.
Sa threats, sinabi ng National Bureau of Investigation na may “reasonable certainty of conviction” para sa inciting to sedition at grave threats kaugnay ng 23 November 2024 na pahayag.
Ayon kay Rep. Leila de Lima, “We have accorded the respondent, VP Sara Duterte, more than enough opportunity to appear before us and present her counter evidence.” Idinagdag niya, “Given that the committee has already received sufficient evidence… I respectfully submit that due process has been fully satisfied.”
Sinabi ni Rep. Benny Abante, “Naging patas po tayo… Ginalang po natin ang bise presidente.” Dagdag pa niya, “Bawat araw na ang kasong ito ay nakabinbin… sinasayang po natin ang pera ng taumbayan.”
Sa huli, pinayagan ang mosyon ni de Lima na pagsamahin ang dalawang reklamo para sa iisang Articles of Impeachment. Itinakda ang susunod na pagdinig sa Lunes, May 4, alas-10 ng umaga. /Bistado


