Dalawang Tropical Depression at ang posibleng pagbabalik ng Typhoon “DOLPHIN” ang mahigpit na binabantayan habang magpapatuloy ang matinding pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat sa maraming bahagi ng Luzon.
Dakong 2:00 AM nitong August 9, patuloy na mino-monitor sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Tropical Depression na dating LPA 08b. Isa pang Tropical Depression, na dating LPA 08c, ang namataan din sa labas ng PAR.
Samantala, nakalabas na sa Tropical Cyclone Information Domain ang Typhoon “DOLPHIN.” Gayunman, hindi pa inaalis ang pagbabantay dahil sa “wobbling motion” nito na maaaring magdala rito pabalik sa nasabing domain.
Kasabay nito, nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) sa malakas hanggang matinding ulan dulot ng Habagat.
Ngayong araw, posibleng lumampas sa 200 millimeters ang ulan sa Ilocos Sur at Benguet. Inaasahan naman ang 100 hanggang 200 mm sa La Union, Abra, Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Aabot sa 50 hanggang 100 mm ang posibleng ulan sa Ilocos Norte, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, Laguna, Oriental Mindoro at Antique.
Bukas, pinakamabigat ang ulan sa Ilocos Sur, La Union, Benguet, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro. Sa Tuesday, August 11, inaasahang makatatanggap ng 100 hanggang 200 mm na ulan ang Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.
“Forecast rainfall may be higher in mountainous and elevated areas. Moreover, impacts in some areas may be worsened by significant antecedent rainfall,” anang Pagasa.
Pinag-iingat ang publiko laban sa pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mga lugar na basa na ang lupa dahil sa mga naunang pag-ulan. Inatasan din ang mga disaster risk reduction and management office na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maprotektahan ang buhay at ari-arian. /Bistado


