Asahan ang buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Luzon at Western Visayas dahil sa habagat o southwest monsoon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa Weather Advisory No. 14 na inilabas alas-11 ng umaga nitong June 2, nagbabala ang PAGASA ng mabigat na pag-ulan sa ilang lugar mula ngayong araw hanggang Biyernes ng tanghali.
Pinakamalakas ang inaasahang ulan sa Occidental Mindoro, na posibleng tumanggap ng 100 hanggang 200 millimeters mula ngayong araw hanggang tanghali ng June 3.
Sa parehong period, nasa 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang forecast sa Metro Manila, Zambales, Bataan, Pangasinan, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Batangas, at Palawan.
Mula tanghali ng June 3 hanggang tanghali ng June 4, nasa 50 hanggang 100 millimeters ang inaasahang ulan sa Zambales, Bataan, Tarlac, Pangasinan, La Union, Ilocos Sur, Benguet, at Occidental Mindoro.
Mula tanghali ng June 4 hanggang tanghali ng June 5, posibleng makaranas din ng 50 hanggang 100 millimeters ng ulan ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Abra, Pangasinan, Benguet, Zambales, at Bataan.
Ayon sa PAGASA, maaaring mas mataas pa ang rainfall sa mountainous at elevated areas. Maaari ring lumala ang epekto sa ilang lugar dahil sa naunang malalakas na ulan.
Sa daily weather forecast, occasional rains ang inaasahan sa Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro dahil sa habagat.
Scattered rains at thunderstorms naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Nagbabala ang PAGASA na ang moderate to heavy rains sa mga apektadong lugar ay maaaring magdulot ng flash floods o landslides.
Sa natitirang bahagi ng bansa, asahan ang partly cloudy to cloudy skies na may isolated rain showers o thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Moderate winds at moderate seas ang forecast sa extreme Northern Luzon. Sa ibang bahagi ng bansa, light to moderate winds at slight to moderate seas ang inaasahan.
Pinayuhan ng PAGASA ang mga kinauukulan na disaster risk reduction and management offices na gawin ang kinakailangang mga hakbang upang protektahan ang buhay at ari-arian.
Para sa class suspensions at iba pang official decisions, pinayuhan ang publiko na sumangguni sa Heavy Rainfall Warnings na inilalabas ng kani-kaniyang PAGASA Regional Services Divisions. /Bistado


