Pinuri ng Stratbase Institute si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. matapos nitong mariing ipagtanggol ang maritime claims ng Pilipinas at ang 2016 Arbitral Award nang abutan umano siya ng liham mula sa China habang nagsasalita sa Seoul Defense Dialogue sa South Korea.
Iniulat na isang Chinese defense attaché sa Seoul ang nag-abot ng liham na kumukuwestiyon sa arbitral ruling habang nasa kalagitnaan ng pagtatalumpati si Teodoro.
Hindi pinalampas ng kalihim ang insidente at tahasang sinagot ang hakbang.
“Mahiya naman kayo,” ani Teodoro.
Ayon sa Stratbase, ipinakita ng naging tugon ng kalihim ang matatag na paninindigang kailangan upang labanan ang coercion, intimidation at mga pagtatangkang pahinain ang umiiral na international norms.
Tinawag din ng think tank na “gold standard” para sa public officials ang mabilis at matatag na pagtatanggol ni Teodoro sa national interest.
Para sa Stratbase, dapat magsilbing paalala ang insidente sa buong pamahalaan na kailangang magkaisa sa pagdepensa sa teritoryo at sovereign rights ng Pilipinas.
Binigyang-diin din nito na nananatiling malinaw na legal foundation ng maritime rights at entitlements ng bansa sa West Philippine Sea ang 2016 Arbitral Award.
Iginiit ng Stratbase na kailangang patuloy na ipaglaban ng Pilipinas ang mga karapatan nito, palakasin ang pakikipagtulungan sa like-minded partners at bumuo ng credible deterrence laban sa coercive at unlawful actions habang nananatiling nakatuon sa kapayapaan at rules-based regional order.
Nangyari ang palitan habang nasa Seoul si Teodoro para sa defense dialogue, kung saan kabilang sa mga usaping tinatalakay ang regional security at international cooperation. /Bistado


