Naglunsad ang GoTyme Bank ng remittance promo na magbibigay sa Overseas Filipino Workers (OFWs) ng pagkakataong manalo ng libreng flights pauwi sa Pilipinas, katuwang ang Cebu Pacific at global remittance provider na TapTap Send.
Sa “It’s Tyme to Be Together” campaign, tatlong winners ang makatatanggap ng homecoming package na may tig-dalawang round-trip economy class tickets mula sa eligible originating country patungong Pilipinas.
Kasama rin sa bawat package ang one-way direct van transfer mula sa destination airport sa Pilipinas patungo sa napagkasunduang destinasyon at ₱30,000 halaga ng Giftaway vouchers.
May dagdag ding ₱20,000 na pwedeng ma-credit sa TapTap Send account ng winner, basta mayroon o makapagbukas siya ng eligible account at maipasa ang kinakailangang proof sa validation.
Tatakbo ang pangunahing homecoming raffle mula September 16 hanggang November 30, 2026.
Para makasali, kailangang verified GoTyme Bank customer at mag-opt in sa promo sa GoTyme Bank app.
Makakakuha ng isang raffle entry sa bawat qualifying international remittance na hindi bababa sa ₱5,000 o katumbas nito sa foreign currency.
Sakop nito ang parehong pagpapadala at pagtanggap ng international remittances sa mga eligible channel. Walang maximum na bilang ng raffle entries, pero kailangang umabot nang hiwalay sa minimum na ₱5,000 ang bawat qualifying transaction.
Kabilang sa eligible remittance channels ang SWIFT transactions, Visa partner network, WorldRemit, Payoneer, Instarem, Remitly, Ria, TapTap Send at Wise.
Bukod sa pangunahing raffle, may hiwalay na GoTyme Bank x TapTap Send promo mula September 16 hanggang October 14. Dalawa pang winners ang pipiliin dito, kaya limang grand prize winners ang kabuuang nakapaloob sa dalawang homecoming raffles.
“Banking should do more than just move money, it should bring people closer to the things and the people that matter most,” ani GoTyme Bank President at Chief Executive Officer Nate Clarke.
Nakatakda ang draw para sa pangunahing raffle sa December 14, habang target ipaalam ang resulta sa verified winners sa December 16.
Ang official fly window para sa pangunahing promo ay mula January 6 hanggang December 17, 2027.
Kasabay nito, patuloy na pinalalawak ng GoTyme Bank ang international remittance services nito.
Sa Send Money Abroad service, pwedeng magpadala ng pera mula Pilipinas patungo sa mahigit 200 bansa at teritoryo gamit ang GoTyme Bank app.
Sinusuportahan ng serbisyo ang walong currency: Australian dollar, Chinese yuan, euro, British pound, Japanese yen, South Korean won, Singapore dollar at US dollar.
Para naman sa perang ipinapadala papasok sa Pilipinas, pwedeng direktang tumanggap sa GoTyme Bank account sa pamamagitan ng international bank gamit ang SWIFT at iba pang supported remittance at payment partners.
“Home is where Filipinos want to be during the holidays, and at Cebu Pacific, we are proud to play a part in bringing them there,” ani Cebu Pacific Marketing Director Michelle Eve De Guzman. /Bistado


