Naghahanda na ang mga ahensya ng gobyerno sa posibleng matinding epekto ng El Niño, kabilang ang kakulangan sa tubig, tagtuyot, problema sa irigasyon at suplay ng kuryente.
Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na inatasan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya na maghanda laban sa inaasahang paglala ng El Niño.
Naglunsad ang National Irrigation Administration (NIA) ng mitigation action plan para tulungan ang mga magsasaka sa posibleng kakulangan ng tubig ngayong dry season.
Gagamitin ng NIA ang groundwater maps ng Mines and Geosciences Bureau para matukoy ang posibleng water sources para sa solar-powered pump irrigation systems.
“Paiigtingin din ng NIA ang inventory at maintenance ng solar-powered pump irrigation systems at ang repair and rehabilitation ng mga lumang pump irrigation systems para masiguro na tuloy-tuloy lang ang operasyon ng mga ito,” sabi ni Castro.
Magpapakalat din ng mobile solar pumps sa drought-prone areas at mga lugar na kapos sa tubig. Isasagawa rin ang desilting at clearing ng irrigation canals para mapabuti ang daloy at kapasidad ng tubig.
Kumikilos din ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para tiyakin ang water supply, maiwasan ang forest fires, makatipid sa enerhiya at maprotektahan ang mga empleyado laban sa matinding init.
Nagtayo rin ang DENR ng maliliit na water impounding structures at rainwater harvesting systems.
Sinusuri naman ng Department of Agriculture (DA) ang irrigation systems at isinusulong ang drought-resistant crops. Pinag-aaralan din ang pagbabago sa planting schedules at naghahanda ng financial assistance para sa mga maaapektuhang farmers at fisherfolk.
Naghahanda rin ang Department of Energy sa posibleng problema sa power supply.
Sa health sector, pinaiigting ang hydration at cooling measures, health monitoring at suporta para sa mga mas bulnerable sa matinding init, partikular ang mga bata, senior citizens, outdoor workers at mga taong may health vulnerabilities.
May nakalaan nang pondo ang DA para sa ayuda sa farmers at fisherfolk. Makikipag-ugnayan naman ang Malacañang sa Department of Budget and Management kung kailangan pa ng dagdag na pondo para sa El Niño response.
Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na posibleng lumakas pa ang kasalukuyang El Niño at umabot sa “very strong” state sa mga susunod na buwan.
Posible itong magpatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027, kasabay ng mas mataas na posibilidad ng below-normal rainfall, dry spells at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa. /Bistado


