Bukod sa pagtulong sa mga naapektuhan ng mga nagdaang natural na kalamidad, nag-abot din ng tulong ang GMA Kapuso Foundation (GMAKF) sa mga kababayan nating hinaharap ngayon ang isang matinding hamon: ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa ilalim ng Operation Bayanihan, pumunta ang GMAKF sa Bauko, Mt. Province, upang maghatid ng food packs sa mga vegetable farmers na, dahil sa mataas na presyo ng petrolyo at transportasyon, ay hindi naibenta ang mga inaning gulay. Umabot sa 1,000 na pamilya o 4,000 na indibidwal ang nakatanggap ng food packs.
Pumunta rin ang GMAKF sa Cardona, Rizal, upang maghatid ng food packs sa mga mangingisda at tricycle driver na apektado rin ng tumataas na presyo ng petrolyo. 900 na pamilya o 3,600 na indibidwal ang nakatanggap ng food packs.
Patuloy ang pagtanggap ng GMAKF ng mga nais mag-abot ng tulong sa ating mga kababayan. Bisitahin lamang ang www.gmanetwork.com/kapusfoundation/donate para sa kumpletong detalye.


