Umarangkada simula pa lamang at hindi bumitaw ang Barangay Ginebra upang makuha ang 116-102 panalo laban sa TNT at ang 2-1 kalamangan sa best-of-seven series ng PBA Season 50 Commissioner’s Cup finals nitong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Mula sa 3-0, tuluyang lumayo ang Gin Kings at bumangon mula sa kanilang 94-101 pagkatalo sa Game 2 noong Biyernes.
May kabuuang 18,607 ang manonood — pinakamadami sa isang laro ngayong season.
Gaganapin ang Game 4 sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City simula 7:30 p.m.
Pinangunahan ni Stephen Holt ang maagang paglayo ng Ginebra sa pamamagitan ng tatlong sunod na three-pointer sa unang yugto. Nagtapos siya na may 23 puntos, habang nagtala si Justin Brownlee ng 41 puntos, pitong rebounds, pitong assists at tatlong steals sa loob ng 44 minuto at 35 segundo.
Nagpakitang-gilas din si Scottie Thompson sa kanyang triple-double na 17 puntos, 11 rebounds at 11 assists.
Si RJ Abarrientos ay nagtala ng mahahalagang puntos sa huling yugto at nagtapos na may 15 puntos, anim na assists at limang rebounds, bagama’t nahirapan sa malaking bahagi ng laro.
Sina Japeth Aguilar at Troy Rosario ang iba pang manlalaro ng Ginebra na nakapaglaro ng mahahabang minuto. Pinagsama nilang naitala ang 10 puntos, 10 assists at limang rebounds.
“In a finals game, I don’t think everybody realizes how difficult it is to get the early lead and keep that lead all the way through the game,” ani Ginebra coach Tim Cone.
“It’s hard to do in a finals game so I got to tip my cap to our players. It was the third game in five days and we played five or six guys tonight in heavy minutes but they reached deep, knowing that this could be pivotal game in this series.”
Dahil sa magandang panimula ni Holt, nakapagtayo ang Kings ng 35-16 kalamangan sa unang quarter at naging 59-42 sa halftime.
Para sa TNT, sina Chris McCullough at RR Pogoy lamang ang pangunahing bumuhat sa koponan. Nagpakawala si McCullough para sa 44 puntos, kasama ang 13 rebounds at apat na assists, habang nagdagdag si Pogoy ng 28 puntos.
Inalat si Rey Nambatac na walang na-italang puntos matapos pumalya sa lahat ng apat niyang tira mula sa field. Si Calvin Oftana naman ay mayroon lamang dalawang puntos matapos tumama sa isa sa walong tira.
The scores:
GINEBRA 116 – Brownlee 41, Holt 23, Thompson 17, Abarrientos 15, J.Aguilar 11, Rosario 9, Cu 0, Gray 0, Go 0
TNT 102 – McCullough 44, Pogoy 28, Heading 11, Ganuelas-Rosser 9, Ferrer 4, Oftana 2, Quitevis 2, Castro 2, Nambatac 0, Galinato 0, Williams 0, Khobuntin 0
Quarters: 35-16; 59-42; 85-68; 116-102


