Maghaharap ang Barangay Ginebra at Meralco sa pagpapatuloy ng PBA Season 50 Governors’ Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong Biyernes.
Tabla ang Meralco at Rain Or Shine (ROS) sa 2-2 samantalang kulelat ang magkapatid na Ginebra at Magnolia sa 1-2 sa Group B.
Nangunguna ang Phoenix Super LPG sa 4-1.
Hangad ni Ginebra coach Tim Cone na mabalik ang kanilang dating bangis habang hinihintay ang pagbabalik nina Scottie Thompson at Justin Brownlee.
Galing ang Ginebra sa talo sa ROS noong Linggo, 99-110.
Maganda ang pinapakita ng kahalili ni Brownlee na si Riley Grigsby. Kailangan lamang ng Gin Kings na mahanap muli ang kanilang tikas habang nagpapagaling si Brownlee mula sa maraming pinsala sa kanyang hamstring, binti at tuhod.
Pumapalya ang opensa ng Gin Kings sa ilang yugto ng laban at hindi pa bumabalik ang kanilang depensa.
Nasa parehong sitwasyon din ang Meralco. Nakita ito sa kanilang mga panalo laban sa ROS (122-104) at Blackwater (116-114), at sa mga pagkatalo sa Phoenix (86-98) at Magnolia (98-112).
Kailangan ng Bolts ng mas malaking ambag mula kay Antonio Hester at tuloy-tuloy na suporta mula sa mga lokal kung nais nilang itumba ang Ginebra.
Sa unang laro simula 5:15 p.m., layunin ng Rain Or Shine ang ikatlong sunod na panalo kontra Magnolia, na sinimulan ang kampanya sa 0-2.
Umaasa si ROS coach Yeng Guiao na magpatuloy ang panalo nila.
“Hindi ako worried about our offense, eh. I think we’ve scored more than 100 points every game. So it’s really just playing good defense, rebounding. When we get our rebounds, we’re able to run,” ani Guiao.
“So itong mga bata, nag-focus lang sila doon sa mga bagay na dapat naming gawin kaya siguro nakabawi kami.”
Samantala, inanunsyo ng defending champion TNT na kinuha nila si Rahlir Hollis-Jefferson kapalit ni Darius Days.
Huling laro na ni Days noong Martes nang talunin ng TNT ang Converge, 110-107.
“Darius is not the Darius Days that we had two years ago,” ani TNT coach Chot Reyes. “He’s completely overweight, out of shape and I think it shows in his game and it affects the play of our locals.”
Maglalaro na si Hollis-Jefferson kontra San Miguel Beer sa MOA Arena bukas.
Huling naglaro ang import, edad 35, para sa TNT noong 2023-24 Commissioner’s Cup matapos magka-injury ang kapatid na si Rondae.


