Top 5 This Week

spot_img

Related Posts

Gilas Pilipinas puspusan ang ensayo para sa FIBA qualifiers

Napag-aralan pa lalo ni coach Tim Cone ang kalagayan ng Gilas Pilipinas isang linggo bago ang kampanya sa fourth window ng FIBA World Cup qualifiers.

Tinalo ng pambansang koponan ang bisitang Ulsan Hyundai Mobis Phoebus, 81-76, noong Huwebes sa San Miguel Sports facility sa Pasig City.

Sa kabila ng panalo, hindi nasiyahan si Cone sa naging laro ng koponan dahil sa patuloy na pagkawala ng naturalized player na si Justin Brownlee.

Ngunit mas nais ng Gilas coach na tingnan ang positibong bahagi ng kanilang unang tune-up game bago ang FIBA qualifiers sa susunod na linggo.

“We didn’t play well, but the game gave us a good indication of where we are and how far we have to go to get ready,” pahayag ni Cone.

Ang 40-taong-gulang na Ulsan Hyundai ay naglalaro sa Korean Basketball League (KBL), kung saan pitong beses na itong naging kampeon.

Dito rin naglaro si RJ Abarrientos nang siya ay hiranging KBL Rookie of the Year noong 2022-23 season.

Kasama ng sophomore guard ng Barangay Ginebra na si Abarrientos na naglaro para sa Gilas sa friendly game ang dalawang kasalukuyang KBL players na sina Carl Tamayo (Changwon LG Sakers) at Kevin Quiambao (Goyang Sono Skygunners).

Pinaghahandaan naman ng Ulsan Hyundai ang paparating na 2026-27 KBL season.

No. 5 sa Group E ng Asian qualifiers ang Pilipinas, bahagyang lamang sa huling puwesto na Syria.

Parehong may 2-4 record ang Pilipinas at Syria, ngunit mas mababa ang points differential ng Pilipinas na minus 12 kumpara sa minus 74 ng Syria.

Nangunguna sa grupo ang Australia na may perpektong 6-0, kasunod ang Iran (5-1), Jordan (5-1) at New Zealand (4-2).

Dahil sa four-game skid na nagsimula pa noong second window matapos ang magkasunod na talo sa New Zealand at Australia, kailangang manalo ng Pilipinas laban sa Jordan at Iran upang gumanda ang tsansa para sa 2027 FIBA World Cup.

“The margin of error has really dissipated for us. So I’ve been saying over the last few weeks it’s an all hands on deck kind of thing,” ani Cone.

Hindi makakalaro ang dalawang overseas players na sina Quentin Millora-Brown at Mike Philips sa mga laro sa Agosto 28 at 30 laban sa Jordan at Iran sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Patuloy na nagpapagaling si Millora-Brown mula sa back surgery, habang dadalo naman si Philips sa kasal ng kanyang kapatid.

Ngunit bahagyang napapawi ang kanilang pagkawala dahil sa biglaang pagdating ng 7-foot-3 na si Kai Sotto, na unang beses na maglalaro para sa Gilas matapos ang dalawang taon.

Kasama ni Sotto sa pool sina Philips, Millora-Brown, Brownlee, Abarrientos, Justin Baltazar, AJ Edu, June Mar Fajardo, Juan Gomez de Liano, Ange Kouame, Chris Newsome, Calvin Oftana, Quiambao, Dwight Ramos, Troy Rosario, Tamayo, Scottie Thompson, CJ Perez, Roger Pogoy at Geo Chiu, ang top rookie pick ng Philippine Basketball Association noong nakaraang taon.

Tulad nina Millora-Brown at Philips, hindi rin makakalaro para sa Gilas sina Kouame at Oftana.

“We’d like a little bit more size, but it is what it is,” sabi ni Cone.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Popular Articles